Umabot na sa walong miyembro ng isang pamilya ang nasawi, habang 14 ang nasugatan makaraang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang dump truck sa Tabuk City, Kalinga, nitong Sabado.
Sinabi ni Major Carol Lacuata, information officer ng Police Regional Office-Cordillera, na rumesponde ang mga tauhan ng Tabuk City Police sa isang aksidente sa Sitio Binongsay, Malin-awa, Tabuk City, bandang 10:00 ng umaga ngayong Sabado.
Ayon sa imbestigasyon, batay sa salaysay ng driver ng dump truck (BCN-592) na si Mark John Lazaro y Sumaal, 20, taga-Barangay Dupag, Tabuk City, patungo silang Bgy. Balawag para dumalo sa posipos nang mahulog ang truck sa nasa limang metro ang lalim na bangin saka patagilid na bumagsak.
Dinala sa Kalinga Provincial Hospital, Almora General Hospital, at Holy Trinity Medical Clinic ang mga biktima, subalit patay na sina Ghelyn Khim Gallema,13; Rufina Limto Dawagon, 49; Jules Mangagom Alvester, 7; Edmund Lagwingon Mangagom; at Gaspar Edoc, nasa hustong gulang.
Binawian naman ng buhay habang ginagamot sina Crisanta Casirayan, Lucita Mangagom, at Doming Matalang.
Sugatan sina Luming Gallamoy, 48; Willy Salida; Cecilia Balangui; Stallon Mangagom, menor de edad; Purinomo Galamto; Divine Mangagom, 18; Elvira Otal Simangon, 27; Aprilyn Otal, 25, Basilio Baydon; Dominador Casirayan, 52; Corazon Matalang, 54; Kiefer Gallamoy Simangan, isang taong gulang; Nelia Malawis Sabaway, 50; at Jeniffer Malawis Sabaway, 13, pawang taga-New Tanglag, Tabuk.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng truck.
Rizaldy Comanda