ANG Linggo ng Palaspas o Palm Sunday ang nagbibigay ng hudyat sa mga Katoliko sa buong mundo sa pagpasok ng Holy Week o Semana Santa. Kasunod nito ang pasasagawa ng ilang tradisyunal na gawain.

Sumusunod ang mga Katoliko sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa magkakatulad na tradisyunal na gawain. Sa pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas, nagbibitbit ang mga mananampalataya ng palaspas sa misa upang bendisyunan ng pari. Habang nariyan din ang mga prusisyon, passion play, Via Dolorosa o Station of the Cross, at ang pagpapakita o pagtatanghal tuwing Huwebes at Biyernes Santo ng dula tungkol sa buhay ni Hesus.

Gayunman may iba’t iba pa ring gawain ang mga bansa na natatangi sa kanila. Sa mga bansang may malaking populasyon ng mga Katoliko tulad ng Pilipinas, idinedeklarang holiday ang paggunita sa Mahal na Araw. Sa Latin America, nagsusuot ang mga tao ng costume ng mga Romanong Sundalo habang dala ang imahe ni Jesus Nazareno.

Sa Denmark, bagamat hindi nagdiriwang ng Holy Week, tinatawag nilang “Fastelavn” ang Easter Sunday. Nagsusuot ang mga bata ng iba’t ibang costume at binibigyan ng mga tinapay at pagkain.

Sa Greece, dahil karamihan ng mga tao ay Orthodox Christians, Lunes o bago ang Ash Wednesday ang itinuturing nilang holiday, na tinatawag nilang Clean Monday o Kathari Theftera. Gayunman, iniiwasan din nila ang pagkain ng karne sa buong panahon ng Kuwaresma.

Hudyat naman ng pagsisimula ng Semana Santa sa England ang pagkain ng pancakes imbes na karne tuwing Biyernes. Nagluluto rin sila ng mga tinapay na hugis krus na sumisimbulo sa Krus ng mga Kristiyano. Abala naman ang mga simbahan para sa Easter Sunday na tinatawag na “Mothering Sunday” kung saan maraming sanggol ang binibinyagan.

Tatlong araw na kasiyahan bago ang Easter Sunday naman ang paraan ng pagdiriwang ng Semana Santa sa India na ipinagdiriwang ng mga Kristiyano, Hindu, at mga Muslim. Pagpasok ng Ash Wednesday lahat ng relihiyon ay magkakasamang nagdiriwang ng Raasa (“fun” sa Sanskit) sa pamamagitan ng parade ng musika, sayawan at pailaw.

Sa Germany, sinusunog ng mga tao ang lumang Christmas tree tuwing Holy Week bilang hudyat ng pagpasok ng spring season. Tinatawag nilang “Green Thursday” ang Huwebes Santo, kung saan mga pagkain na kulay berde tulad ng mga gulay at prutas lamang ang kinakain ng mga tao.

Sa Katolikong bansa ng Italy, namamahagi ang mga simbahan ng holy water sa mga pamilya upang bendisyunan ang kanilang mga tahanan tuwing Mahal na Araw.

Kaiba naman ang paggunita sa Mexico, partikular sa Oaxaca, kung saan gumagawa ang mga tao ng fruit juice at homemade ice cream tuwing Biyernes Santo at ibinibigay sa mga dumaraan. Ito ay pagkilala sa alaala ng Samaritanong babae na nagbigay ng tubig kay Jesus sa kanyang pagpunta sa Galilee. Tradisyunal na gawain din sa ilang bayan sa Mexico ang pagsusunog ng karton o paper mache na may mukha ni Hudas bilang tanda ng pagkakanulo nito kay Jesus.

Kilala naman ang Brazil sa pagdaraos ng sikat na carnival na nagsisimula sa Linggo ng Palaspas at natatapos makalipas ang apat na araw. Tampok sa carnival ang masayang Rio Samba Parade, na dinadaluhan ng daang libong tao.

Sa Russia, nagsisimula ang Mahal na Araw sa “Spring Cleaning” kung saan naglilinis ang bawat pamilya ng kanilang bahay bilang paghahanda sa darating na Easter Sunday. Sumasailalim din ang mga tao sa matinding pag-aayuno sa buong linggo.

Sa Poland, hindi pinatutunog ang mga kampana hanggang sa pagsapit ng Easter. Gumagala naman ang mga batang lalaki at nag-iingay ng paalala na mag-ayuno at huwag kumain ng karne. Habang ang mga magsasaka ay nagwiwisik ng holy water sa kanilang mga pananim upang masiguro ang magandang ani.

Ataol naman na gawa sa crystal, kasama ng imahe ni Hesus, ang ipinaparada sa Peru tuwing Biyernes Santo, kasunod ang iba pang mga imahe at mga babaeng nakasuot ng itim.

Samantala, dito sa atin dahil maituturing na isang Kristiyanong bansa ang Pilipinas kung saan malaking bahagdan ng populasyon ang Katoliko, isang malaking kaganapan sa bansa ang paggunita ng Semana Santa.

Sa pagsapit ng Linggo ng Palaspas, nagsisimula ang tradisyunal na pabasa o pasyon. Nariyan din ang Visita Iglesia kung saan pumupunta ang mga mananampalataya sa pito o 14 na simbahan bilang bahagi ng kanilang debosyon.

Nagdaraos din ang mga lokal ng Senakulo o isang pagtatanghal tungkol sa paghihirap ni Hesus. Sa Pampanga, ilang residente ang nagpepenitensiya sa pamamagitan ng paghahampas at pagpapapako sa Krus. Sa Marinduque, masasaksihan ang pista ng Moriones, kung saan nakamaskara at naka-costume ang mga nagpepenitensiya habang gumagala sa bayan upang hanapin ang Longinus.

At pagpasok ng Linggo ng Pagkabuhay o Easter Sunday, nariyan ang Salubong kung saan ipinapakita kung paano nakita muli ni Maria ang pagkabuhay ni Hesus.

-MYCA CIELO M. FERNANDEZ