NA-VETO ni Pangulong Duterte ang P95.4 bilyon budget para sa mga pagawain sa 2019 General Appropriations Bill nang lagdaan niya ang panukala upang maging ganap na batas nitong Abril 15, tatlong linggo ang nakalipas makaraang tanggapin ng Office of the President ang panukala noong Marso 26.
Na-veto ng Pangulo ang P95.4-bilyon budget items dahil ang mga ito ay “not consistent with the programmed priorities” ng pamahalaan, alinsunod sa orihinal na panukalang budget ng administrasyon para sa Department of Public Works and Highways.
Naglaan ang administrasyon ng pondo para sa maraming pangunahing proyektong pagawain alinsunod sa programang “Build, Build, Build”—para sa mga bagong kalsada at tulay sa bansa, mga paliparan at pantalan, mga gusaling pampaaralan, at iba pang istrukturang kailangan ng gobyerno. Hinangad ng ilang kongresista na maisama ang mga proyekto para sa kani-kanilang distrito—mga gusali at gymnasium sa eskuwelahan, health center, covered courts, daluyang kanal, at iba pa, na wala sa pangkalahatang plano, subalit may espesyal na kapakanan para mga constituent ng mga kongresista.
Noon, ang ganitong mga lokal na proyekto ay pinapayagan bilang bahagi ng hindi aktuwal na tinutukoy na mga benepisyo ng mga kongresista. May alegasyon pa nga na may natatanggap silang porsiyento mula sa mga contractor na pinipili nilang mangasiwa sa proyekto. Subalit ang nasabing sistema, na tinatawag na Priority Development Assistance Fund (PDAF), ay idineklarang ilegal ng Korte Suprema noong 2013.
Ang ikalawang dahilan sa pag-veto ng Presidente ay dahil ang tinanggihang pondo ay idinagdag ng ilang pinuno ng Kamara makaraang aprubahan ng Bicameral Conference Committee ang panukala. Kaya naman personal na ipinaalam ni Senate President Vicente Sotto III kay Pangulong Duterte na aaprubahan ng Senado ang appropriations bill, pero nagdadalawang-isip sa mga idinagdag ng mga lider ng Kamara, at hinimok itong i-veto ang mga iyon.
Ang tinutukoy ni Senator Sotto ay ang P75 bilyon na pinaglaanan ng ilang pinuno ng Kamara na dating lump sum. Nang i-veto ni Pangulong Duterte ang P95.4 bilyon, ang P20.4 bilyon ay maaaring mga hindi tinukoy na proyektong isiningit ng ilang senador.
Sa huli, dahil sa presidential veto ay natanggal ang P95.4 bilyon na siyang dahilan ng pagkakaantala ng pagpapatibay sa 2019 national budget. Sapagkat hindi magkasundo ang mga senador at kongresista sa usaping ito, nabalam nang tatlong buwan—o isang buong quarter—ang General Appropriations Bill para sa 2019. Hindi masimulan ang mga proyekto para sa taong ito. Magkakaroon ito ng epekto sa Gross National Product sa pagtatapos ng taong ito.
Umaasa kaming lahat ng kinauukulang opisyal, partikular na ang mga kasapi ng Kongreso, ay matututo sa nangyaring ito. Una, sa simula pa lang ay dapat na mayroon na silang sapat na koordinasyon sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways, kung nais nilang maisama ang mga espesyal nilang proyekto sa “programmed priorities” sa pangkalahatang plano ng mga pagawain sa isang buong taon.
Ikalawa, dapat na istriktong maipatupad ang legal na proseso, tulad ng nakasaad sa pag-apruba sa mga batas. Ang pagbabago sa panukalang inaprubahan na ng dalawang kapulungan ay maaaring kinukunsinti noon, pero mistulang hindi na ito lulusot ngayon, sa kasalukuyang administrasyon.