SA kanyang talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban sa Bukidnon nitong Sabado, binweltahan ni Pangulong Duterte ang Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) sa ginawa nitong paglalahad sa investigative report hinggil sa lumobong kayamanan ng Pangulo at ng kanyang mga anak sa panahon ng kanilang panunungkulan sa gobyerno.
“Dito sa Pilipinas, walang investigative journalism. Huwag ninyong paniwalaan ang PCIJ report. Ang lahat ay tungkol sa pera. Ipapakita ko iyan sa mga darating na mga araw. Kasi, kung walang pera, paano sila mabubuhay? Huwag mong sabihing nabubuhay lang sila sa pagsusulat na binabayaran lang sila bilang mga manunulat. Kumukuha din sila ng pera sa kanilang mga kliyente para umatake, AC-DC. Babayaran sila, aatake sila, huwag ninyong iisipin na sila ay malinis,” wika ng Pangulo.
Ano ba ang dahilan ng ikinapuputok ng butse ng Pangulo sa ginawa ng PCIJ sa kanya at ng kanyang pamilya? Sa investigative report ng PCIJ, isiniwalat dito na ang ari-arian ng Pangulo ay lumaki nang 195 porsiyento, mula P9.69 milyon noong 2007 hanggang P28.54 milyon noong 2017. Kay Paolo Duterte, ayon sa report, tumaas nang 233%, mula P8.34 milyon hanggang P27.74 milyon, samantalang kay Sara Duterte-Carpio, 518%, mula P7.25 milyon ay naging P44.83 milyon.
Eh ang pinagbatayan ng PCIJ sa nasabing report sa paglalahad sa lumobong yaman ng mga Duterte ay ang mismong isinumite nilang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN). Bago pa nila inilabas ang resulta ng kanilang imbestigasyon ay pina-certify true copy pa nila ang kani-kanilang SALN.
Hindi ko nakikitang dahilan na ang ikinagalit ng Pangulo ay ang pagsasapubliko ng PCIJ sa nilalaman ng kanilang SALN. Public document naman ang mga ito at ang taumbayan ay may karapatang malaman ang ari-arian ng kahit sinumang opisyal ng gobyerno, dahil isa ito sa mga katibayan kung paano niya ginamit ang kapangyarihang ipinagkatiwala nila sa kanya.
Higit akong naniniwala na kinamuhian ng Pangulo ang report dahil sa naging epekto nito. Pinagpaliwanag kasi siya ng ilang grupo, na kinabibilangan ni dating Chief Justice Lourdes Sereno, na pinatalsik niya sa puwesto dahil din sa SALN.
Lalong kailangan, aniya, ang kanyang paliwanag hinggil sa makabuluhang paglaki ng kanilang kinita sa gitna ng mga alegasyon na ang kanyang pamilya ay sangkot sa ilegal na droga.
Dahil dito, napilitan niyang aminin ang isa sa mga dahilan kung bakit lumaki ang kanilang kita. Mayroon daw silang law office na kung sakali mang mawala na sila sa gobyerno, ay may pagkukunan sila. Ang law firm ng Pangulo ay may pangalang Fabiosa Duterte Cimafranca Carcedo Law Office, at ang sa kanyang anak na alkalde ng Davao City na si Sara Duterte ay may Carpio & Duterte naman. Kasosyo niya ang kanyang asawang si Atty. Manases Carpio. Kabilang sa kanilang mga kliyente ay ang Mighty Corp., Panay Electric Company, at mga may kaugnayan sa Bureau of Customs.
Pawang may mga problema ang mga ito sa gobyerno. Kaya, nagalit ang Pangulo sa PCIJ ay dahil napaamin siya at ang kanyang pamilya na habang ginagamit nila ang kapangyarihan ng taumbayan ay mayroon silang ibang pinagkakakitaan maliban sa dapat nilang tanggapin sa taumbayan para sa tungkuling ipinagkaloob sa kanila.
Sa ginawa niyang pagbabanta sa PCIJ, sinabi ng Pangulo sa kanyang tagapakinig na huwag isipin na malinis ang organisasyon. Aniya, kumukuha ito ng pera sa mga kliyente para umatake.
Hindi naman ito ang isyu. Ang isyu ay tama ba ang report ng PCIJ?
-Ric Valmonte