KARAMIHAN sa mga maka-administrasyon, kung makangisi, bukal, at todo sa pangangalandakan na milagro lamang ang makapagpapanalo sa line-up ng oposisyon sa pagka-senador, na kung tawagin ay OTSO-DIRETSO.
Lalo pa umanong iyong halos ‘di nababanggit sa mga survey – ‘di ko lang alam kung mapagkakatiwalaang survey at kung sino ang nagkomisyon sa mga ito – ang line-up ng OTSO DIRETSO maliban sa dalawa na nasa dulong ibabang listahan.
Para sa mga kababata kong “millennial”, este kababata palang mga anak ko, hindi bago ang milagro sa halalan. Naganap na itong minsan at marubrob ang aking pag-asa at paniniwala na magaganap itong muli!
Kaya nga nasisiguro ko, lalo na kung mag-iisip at isasaalang-alang ng mga kabataan sa ngayon ang kinabukasan nila, ng magiging mga anak nila, sa darating na eleksyon – upang makapili ng mga kandidatong mag-aaruga sa kanilang kakaharapin na kinabukasan sa bansa natin.
Ang sinasabi kong “milagro”sa halalan – opo naniniwalaakong“milagro” ito – ay ang pagkakapanalo nina Leni Robredo bilang vice president noong 2016 at ng prisonerong si Sonny Trillanes bilang senador noong 2007.
Nanalo si Trillanes kahit na ‘di man lang nababanggit sa mga survey at habang nakakulong sa Fort Bonifacio, samantalang si Leni Robredo, ay unti-unting umangat mula sa ilalim ng line-up kahit na walang kamuwang-muwang sa daigdig na kanyang pinasok.
Ang nagpanalo kay Trillanes ay ang marubrob na paniniwalang mga kapwa niya magigiting na sundalo na miyembro ng grupong Magdalo, na kahit siya ay humihimas ng rehas na bakal – basta maiparating lamang sa mga mamamayan ang kanyang malinis na hangarin sa pagtakbo bilang kandidato – ay mananalo ito.
Kahit kulang sa pondo, inilunsad mula sa kanilang piitan ang kandidatura ni Trillanes. Walang organisasyon, walang pera. Tanging tapang at lakas lamang ng loob ang puhunan ng Magdalo sa hamong ito sa kanilang grupo. Friendster at mga e-mail pa lang noon ang tinatawag na “social media” maliit na kumpanya pa lamang noon ang Facebook, at hindi pa uso ang mga “trolls” at “fake news”.
Kaya nga naganap ang unang milagro sa halalan noong 2007 nang manalo si Trillanes kahit nakakulong at walang pagkakataong makapangampanya sa iba’tibang lugar sa buong bansa.
Noong 2016, napilitan ang Liberal Party na piliin si Leni bilang katambal ni Mar Roxas. Salat siya sa karanasan sapagkat patapos pa lang siya sa unang termino niya bilang kinatawan ng Camarines Sur sa Kongreso nang pinilit siyang hugutin mula sa ilalim.
Pang-anim siya sa mga napupusuan. Nagsitanggi ang naunang lima dahil sa iba’t ibang dahilan. Tinanggap niya ang hamon kahit alam niyang wala pang dalawang porsiyento ang awareness rating niya sa mga opinion poll. Lamang na lamang si Bongbong Marcos, ang isa sa kanyang katunggali.
Ang sabi nga ni Nora Aunor sa pamoso niyang pelikula – “May himala!” Ito ang naganap ulit kay Leni. Umarangkada siya. ‘Di malaman ng kanyang mga kalaban kung ano ang tumama sa kanila dahil sa biglang pag-abante at pagkapanalo nito bilang Vice President ng bansa mula sa malayong ibaba.
Ang tanong: Ang dalawang milagrong ito ay maaari bang mangyari ulit ngayon?
Bakit naman hindi? Sa totoo lang, naniniwala ako na maaaring makagawa ng isang malaking milagro ang mga kandidato ng OTSO DIRETSO hangga’t ang sinasabing may 60,000 volunteer na karamihan ay mga millennial, na naghahandog ng kanilang serbisyo kahit walang suweldo at gantimpala, ay hindi bumibitiw sa kanilang ginagawa, na anila’y “bahagi ng pagmamahal at pagtatanggol nila sa ating Inang bansa.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.