SA magkasunod na pahayag, nagsalita ang Korte Suprema hinggil sa kampanya laban sa ilegal na droga na ipinatutupad simula noong 2016.
Nitong Abril 2, ipinag-utos ng korte sa pamahalaan ang pagsusumite ng lahat ng dokumento kaugnay ng kampanya, partikular sa bilang ng mga taong napatay sa mga operasyon ng pulisya, simula noong Hulyo 2016. Ngayong linggo, hinikayat ng korte ang pulisya at mga piskal na higit na pagtuunan ang pangangalap ng impormasyon sa pinagmumulan at totoong pamunuan ng kalakalan ng droga sa halip na mga small-time na gumagamit at nagbebenta.
Ang muling paglalabas ng korte ng pahayag tungkol sa problema sa droga ay kaugnay sa kaso ng isang lalaki, si Lahmodin Ameril, na inaresto sa Maynila noong 2006; hinatulan sa pagbebenta ng ilegal na droga ng Manila Regional Trial Court noong 2012; umapela sa kanyang kaso sa Court of Appeals na ipinagtibay noong 2015; hanggang sa umakyat ang kaso sa Korte Suprema.
Natuklasan ng Mataas na Hukuman na “[arresting officers] remiss in the performance of their official functions” nang makita ang “discrepancies in the markings of the seized illegal drugs”. Ayon sa korte, ang mga pulis “failed to comply with the chain of custody.” Dahil dito, pinawalang-sala ng hukuman si Ameril.
May kaugnayan ang kasong ito sa naging panawagan ngayong linggo ng Korte Suprema sa mga tagapagpatupad ng batas at mga piskal upang pagtuunan ang malalaking operasyon sa ilegal na kalakalan ng droga, sa halip na sa mga taong katulad ni Ameril na nakulong sa pagbebenta ng tatlong maliit na pakete ng shabu.
“It is lamentable that while our dockets are clogged with prosecutions under RA 9165, the Comprehensive Dangerous Drugs Act, involving small-time drug users and retailers, we are seriously short of prosecutions involving the proverbial ‘big fish’. We are swamped with cases involving small fry who have been arrested for minuscule amounts….Both law enforcers and prosecutors should realize that more effective and efficient strategy is to focus resources more on the source and true leadership of these nefarious organizations.”
May mga balita tayo sa malalaking bilang ng shabu na ipinupuslit sa bansa. Ang malaking P6.4-bilyon kargamento—o 600,000 gramo ng shabu—na nakalusot sa inspeksiyon ng Bureau of Customs ang nasamsam sa isang pagsalakay sa dalawang bodega sa Valenzuela City nitong nakaraang taon. Isa pang malaking bulto na nagkakahalaga ng P4.3 bilyon ang naharang sa Manila International Container Port, na itinago sa mga magnetic scrap lifters.
Ang mga ito’y malalaking halaga ng shabu at dapat na mas marami pa tayong makumpiska at maharang, na hindi maikukumpara sa tatlong maliit na pakete ng shabu sa kaso ni Ameril. Kung tulad ng hinihikayat ng Korte Suprema, tututok ang pamahalaan sa malalaking operasyon sa halip na sa mga “small fry”, higit na magiging matagumpay ang kampanya laban sa ilegal na droga.