ISANG buwan pa bago ang halalan sa Mayo, mainit na ang balyahan sa pagka-House Speaker. Suportado at isinisulong ng kani-kanilang mga padrino na ang susunod na speaker ay tiyak na masugid na tagatangkilik ng administrasyon.
Ngayon lang nangyari na halos isang dosena ang nag-aambisyon na maging House Speaker. Sa nakaraan, dalawa o tatlo lamang ang karaniwang nagnais na maging speaker. Sa totoo lang, marami sa mga nag-aambisyon sa naturang puwesto ngayon, ay wala pa namang maipapakitang record ng mga makabuluhang nagawa nila at ‘tila umaasa lamang sa kanilang padrino o “dynastic alliances” para mapansin.
Nakasalalay sa mga mambabatas ang tagumpay ng sinumang nais maging speaker, ang pang-apat na pinakamataas na puwesto sa gobyerno. Dahil dito, hindi lang ito tungkol sa katayuan, kundi pati sa kapangyarihan, mga luho, kasikatan at bigat ng kanyang lagda kaugnay sa pag-apruba ng mga panukalang batas.
Walang batas ang pumapasa sa Kamara nang walang suporta ng speaker. Karaniwan, ang lagda niya sa panukalang-batas ay may katumbas na pananalaping impluwensiya, lalo na sa mga ‘bills’ na may kinalaman sa prangkisa.
Sinasalamin ng labanan sa pagka-House Speaker ng mga nagnanais, ang palakasan sa konksiyong pulitikal, at ang kahalagahan ng puwesto, bagamat depende ito sa kung paano ginagamit ng nakaluklok.
Sa talaan, 11 ang nag-aambisyon ngayon na maging House Speaker na nangyari matapos ipahayag ni dating Pangulo at kasalukuyang Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na balak niyang tuluyan nang magretiro sa pulitika.
Ang mga nangunguna sa talaan na lahat ay inendorso ni Pangulong Duterte at anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na siya ring lider ng Hugpong ng Pagbabago, ay sina dating Foreign Affairs secretary Allan Peter Cayetano at Congressmen Martin Romualdez ng Leyte, Lord Allan Velasco ng Marinduque, at Antonio Floirendo, Jr. ng Davao Oriental na kamakailan lang nagpahayag ng kanyang plano.
Kasama rin sa talaan sina Congressmen Ronaldo Zamora ng San Juan, Metro Manila, Alex Advincula at Bambol Tolentino ng Cavite, Ricky Sandoval ng Malabon, Lucy Torres ng Leyte, Aurelio Gonzales Jr. ng Pampanga, at Pantaleon Alvarez, ang pinatalsik na dating speaker.
Nagbigay ng bagong hugis sa labanan ang pagpasok ni Floirendo sa talaan. Inendorso siya ni Mayor Sara Duterte-Carpio. Malaki ang halagang ambag ni Floirendo sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 kaya malamang na nangunguna siya. Inialok sa kanya ang speakership noong 2016 ngunit tinanggihan niya at sa halip ay inendorso si Alvarez, na ngayon ay pinakamatindi niyang kaaway sa pulitika.
-Johnny Dayang