Labing-apat na menor de edad ang isinugod sa pagamutan nang makalanghap umano ang mga ito ng isang uri ng kemikal na inihalo sa tubig ng swimming pool sa isang resort sa Pandi, Bulacan, kahapon.

Ayon kay Pandi Municipal Police acting chief, Maj. Avelino Protacio, Jr., hindi na nila isinapubliko ang pagkakakilanlan ng mga bata na ligtas na sa panganib.
Naiulat na nag-outing ang mga biktima sa Sitio Antonio Resort sa Bgy. Bagong Barrio sa nasabing bayan, kahapon.
Habang lumalangoy umano ang mga ito, bigla silang nakaramdam ng pagkahilo, pagsusuka at nahirapang huminga, dakong 9:00 ng umaga.
Ayon sa pulisya, nakalanghap nang husto ng chlorine ang mga biktima na nagresulta sa nasabing insidente.
Ang mga menor de edad ay dinala sa Rogaciano Memorial Hospital habang ang iba ay isinugod sa Bulacan Medical Center sa Malolos City.
Paliwanag pa ng mga awtoridad, nagsasagawa pa sila ng imbestigasyon upang madetermina ang pananagutan ng mga may-ari resort.
Sinabi pa ni Protacio na nauna nang tumangging makipagtulungan sa mga awtoridad ang pamunuan ng resort kaugnay ng insidente.
-Martin A. Sadongdong