NAKALABAS na ba kayo ng Metro Manila?
Marahil hanggang sa araw na ito ay hindi pa rin humuhupa ang traffic sa mga pangunahing lansangan, partikular sa mga expressway, dahil sa rami ng mga sasakyan sa lansangan.
Base sa pinakahuling ulat ng Land Transportation Office (LTO), aabot na sa 26 milyon ang kabuuang bilang ng mga sasakyan na nakarehistro sa ahensiya.
Lumilitaw na 18 milyon dito ay mga motorsiklo o halos 71 porsiyento mula sa kabuuang bilang ng motor vehicles (MVs) na nasa database ng LTO.
Isipin n’yo na lang kung kahit kalahati man lang ng naturang bilang na bumibiyahe ngayong panahon ng Semana Santa, tiyak na buhul-buhol na ang trapik sa maraming lugar.
Maski saang siyudad sa bansa kayo pumunta, tiyak na maiipit kayo sa trapik.
Mabuti na lamang at may mga nagmamalasakit sa mga panahong tulad nito upang makatulong sa mga mamamayan.
At dahil ilang dekada na ring ipinatutupad ang tinaguriang ‘Lakbay-Alalay’, marami nang ahensiya ang gumagamit ng katagang ito.
Inumpisahan ng Petron Corporation, ngayon ay marami nang nagpapatupad ng kahalintulad na programa upang asistehan ang milyun-milyong motorista.
Maging ang mga pribadong kumpanya ay may kanya-kanya nang bersiyon ng ‘Lakbay-Alalay’ motorist assistance program.
Nakabibilib pagmasdan ang mga volunteer na nakapuwesto sa iba’t ibang lugar, nakahandang tumulong sa mga nangangailangan.
Kumpleto sa kagamitan at kaalaman sa first aid techniques, handa rin ang mga itong rumesponde sa mga taong sasama ang pakiramdam sa kalagitnaan ng biyahe.
Ang iba naman ay may nakahandang pahingahan, tulad ng kumportableng upuan at mesa para sa mga motoristang nais munang magpalipas ng traffic.
Marami na tayong nakapanayam na mga ‘Lakbay-Alalay’ volunteer at sila mismo ang nagsabing nakahahawa ang ganitong klase ng serbisyo-publiko.
Nakalalaki, anila, ng puso sa tuwing may matutulungan silang motorista sa gitna ng matinding init ng araw.
Ika nga, nakaka-adik!
Marami sa kanila ay ginawa na rin itong panata, sa halip na sumasama sa prusisyon sa Biyernes Santo o Pasko ng Pagkabuhay. Para sa kanila, ito’y isang uri na rin ng sakripisyo.
Bilang pasasalamat o pagsaludo, marami ring motorista ang kusang nagkakaloob sa mga volunteer ng pagkain o inumin. Nakatutuwang tingnan habang ito ay nangyayari.
Sa mga volunteer ngayong panahon ng Semana Santa, kasama kayo sa aming dasal na kayo rin ay malayo sa kapahamakan.
Saludo po kami sa inyong hanay!
-Aris Ilagan