MAGPAPATAW ang Department of Transportation (DOTr) sa Cordillera Administrative Region ng multang P6,000 kapag mahuhuling nagngangata ang public utility vehicle drivers ng “momma” (betel nut) habang nasa duty.
Nag-isyu ang ahensya ng memorandum na nagbabawal sa pangnguya ng betel nut noong Marso 25. Magsisimula naman ang implemeantasyon nito sa Abril 22 sa anim na lalawigan at dalawang siyudad sa rehiyon.
“During their operation or duty, they are restricted [to chew betel nut]. They can only chew momma if they are not on duty,” pahayag ni Engr. Robert Allan Santiago, DOTr-CAR Regional Director nitong Martes.
Aniya, ipatutupad ang ordinansang ito upang mapanatili ang imahe ng propesyonalismo ng mga public utility drivers at upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.
Dagdag pa ni Santiago, ang naturang memorandum ay inisyu dahil sa naobserbahang kawalan ng disiplina ng mga public utility drivers, na nagngangata ng betel nut habang nagmamaneho.
Ang pangnguya at pagdura ng momma, na pinaghalong betel nut, dahon, lime powder at minsan ay tabako, ay kadalasang ginagawa ng Cordillerans.
“They just chew momma and spit out their saliva anywhere and it’s very untidy especially [here] in Baguio which is a tourist attraction,” ani Santiago.
Aniya pa, hindi lamang pagkakalat ang pagdura ng momma; maaari rin itong pagmulan ng mga nakahahawang sakit.
Batay sa memo, pagmumultahin ang lalabag na operator ng P5,000 at P1,000 para sa driver. Maaari ring suspensihin ang public conveyance certificate o franchise sakaling mapapatunayang lumabag.
Saklaw din ng memorandum ang mga empleyado ng DOTr- CAR, particular ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB-CAR) at Land Transportation Office (LTO-CAR).
Hinimok din ng opisyal ang publiko na ireport ang mga driver na mahuhuli nilang lalabag sa memorandum.
PNA