SA bayan ng Dolores sa Quezon matatagpuan ang relihiyosong Bundok Banahaw. Para sa mga taong malayo sa siyudad, ang pagpanhik o pag-akyat sa Bundok Banahaw ay maituturing na tawag ng Diyos.

BANAHAW

Tuwing Mahal na Araw, libu-libong deboto mula sa Maynila, Batangas, Laguna at Quezon ang umaakyat at ilang araw na nananatili sa bundok. Kalimitan, nagsisimulang umakyat ang mga deboto sa Linggo ng Palaspas o Palm Sunday hanggang bago sumapit ang Biyernes Santo.

Sa bundok, maraming kuweba na tinatawag na istasyon ang nagsisilbing dambana o dalanginan, base sa mga paniniwala ng mga residente roon. Ang mga natural na hugis ng mga bato ay itinuturing na sagrado dahil sa mga hindi maipaliwanag na marka rito.

Eleksyon

COC Filing Day 5: Mga naghain ng kandidatura ngayong Oktubre 5

Halimbawa rito ay ang dambana na tinatawag na Jerusalem, na may mga marka ng paa ng bata na pinaniniwalaang sa Sto. Niños. Samantalang hugis ng nakabukas na libro na animo’y Bibliya naman ang makikita sa isang kuweba na tinatawag na Presentahan.

Bukod dito, may ilan ding sikat na destinasyon ang dinarayo sa lugar ―ang mga dambana ng Durungawan, Kinabuhayan, Tres Marias at ang Labindalawang Sakit at ang Talon ng Sta. Lucia, Tatlong Klaseng Tubig at ang balon ng Sto. Jacob.

Bukod sa mga marka at dambana, ilang relihiyon din at sekta ang matatagpuan sa lugar. Nariyan ang Kapatiran ng mga Rizalista, Ang Kapatiran ng Sampung Utos, Suprema de la Iglesia del Ciudad Mistica de Dios, Inc. at iba pa na nananahan sa paanan ng bundok na kalimitang nagsasagawa ng kanilang mga ritwal doon.

Samantala, marami ring manggagamot o albularyo ang nagpupunta sa bundok. Sinasabing sa bundok sila kumukuha ng mga halamang gamot na ginagamit sa panggagamot. May iba ring dumarayo upang maghanap ng anting-anting para umano sa kaligtasan.

Matatagpuan ang Bundok ng Banahaw sa hangganan ng probinsiya ng Quezon at Laguna. Napapalilibutan ang bundok ng mga bayan ng San Pablo, Tiaong, Candelaria, Sariaya, Lucena, Tayabas, Lucban, Majayjay, Liliw at Nagcarlan. Pinaniniwalaan itong dating aktibong bulkan ngunit ngayon ay kilala nabilang “Banal na lugar” para sa mga deboto at mananampalataya ng lugar.

Tinatawag na ‘pamumuwesto’ ang ritwal na paglalakbay sa Bundok Banahaw.  Isang banal na paglalakbay na naging daan upang makilala ang sagradong bundok at puntahan ng maraming deboto lalo na tuwing Semana Santa. Sa pamumuwesto, pinamumunuan ng pamilyar sa lugar ang paglalakbay. Ang mga namumuno rito ay kalimitang mga lider ng mga sekta, manggagamot at mga tagaroon mismo.

PAGLILINIS SA MGA KASALANAN

Para sa mga unang beses na pumunta ng Bundok Banahaw ang pamumuwesto ay kailangang umpisahan sa unang pinto ang Santa Lucia Falls. Ang tubig na nagmumula rito ay bahagi ng ilog Lagnas na nagmumula sa Kinabuhayan, na dumadaloy naman patungong San Bernardo.

Bago puntahan ng mga namumuwesto ang ibang mga sagradong bahagi ng bundok at upang makaakyat sa Kalbaryo, kailangan munang linisin ang mga kasalanan nito. Kung sa mga Katoliko ay mangungumpisal sa pari, para sa mga deboto ng Banahaw, ang paliligo sa tubig ng Santa Lucia ay isang ritwal ng pagtanggal ng mga kasalanan ng isang tao.

Matapos ang pagdarasal sa dulo ng hagdan kung saan nakapuwesto ang estatwa ni San Miguel, kinakailangan namang pumunta ng mga deboto sa Tubig ng Amah, at sa Buhok ng Birhen. Pagkatapos nito’y saka pa lamang sila maaaring lumublob sa ilog Sta. Lucia.

Ang paglilinis sa mga kasalanan ay isang mahabang proseso o simbolikong ritwal ng paliligo sa mga bukal at tubig ng Bundok Banahaw. Simbolo ng Santa Lucia ang pisikal na paglilinis.

Sa bukana papasok ng Santong Lugar ay nakatayo ang dalawang malaking bato kung saan nakaukit ang Sampung Utos. Kalimitan pagkatapos manggaling ng Santa Lucia, kasunod na pinupuntahan ng mga deboto ang Prisentahan dito ipiniprisinta ng mga mamumuwesto ang sarili. Ito ay kambal na kuweba (kuweba ni San Pedro at San Pablo) na sinasabing may lalim na pitong talampakan. Sinusundan ito ng pamumuwesto sa Balon ni Santong Jacob, isang balon na bukal. May lalim itong 20 talampakan mula sa bukana nito. Sinasabing nakapagpapagaling ng iba’t ibang klase ng sakit ang tubig dito. Napakamisteryoso umano ng balon na ito dahil sinasabi ng iba na napalalim nito samantalang ang iba ay madali umanong naaabot ang ilalim ng balon.

INA NG AWA PATUNGONG HUSGADO

Ang ikatlong puwesto ay ang kuweba ng Ina ng Awa kung saan nagtitirik ng kandila at nag-aalay ng dasal ang mga dumadayo sa Birhen ng Laging Saklolo sa loob ng malaking kuweba.

Mula sa 10 talampakang taas ng kuweba, sumusunod naman ang ikaapat na puwesto ang Husgado. Isa itong nakakalitong kuweba na hugis ahas. Mula sa pangalan nito, sinusubukan umano ng kuweba ang pumapasok dito depende kung gaano ito makasalanan. Sinasabing ito ang pinakamahirap na pagsubok na pagdadaanan sa proseso ng pag-aalis ng mga kasalanan ng isang mamumuwesto dahil ang kung sinuman umano ang hindi nagsisisi sa kanyang mga kasalanan ay hindi mararating ang dulo ng kuweba kahit pa kasama nito ang Pator. May mga pagkakataon umano na natataranta ang mga mamumuwesto dahilan upang lubos na mahirapan sa paglusot sa kuweba.

Ang pasukan ng Husgado ay nakakatakot. Kailangang hubarin ng mga bumisita sa kuweba ang kanilang mga sapatos, relo, hikaw, singsing at iba pang gamit na maaaring makasagabal sa kanilang pagtawid sa kuweba. Bawat isa ay kinakailangan na may hawak na kandila na magsisilbi nilang ilaw sa madilim na kuweba. Iba-iba ang diskarte ng mga pumapasok sa loob ng kuweba sa kung paano sila makakalabas.

SANTISIMA

Para naman sa mga nagnanais na magpalipas ng gabi sa bundok ang ikalimang puwesto ay maaaring tigilan. Ang Santisima Trinidad ay katabi ng Batang Kiling, isa ring puwesto. Maaaring maligo sa bukal na nilagyan ng tubo bilang labasan ng tubig, kung saan patuloy na umaagos ang tubig. Tumutuloy ang tubig mula sa bukal pababa sa ilog patungong Sta. Lucia at San Bernardo.

Mapagkukunan naman ng tubig ang Balon ni San Isidro para sa mga nauuhaw. Tatlong beses naman na binubuhusan ng Pator ang bagong namumuwesto gamit ang tubig mula sa Balon bilang simbolo ng Baptismo sa lugar.

SANTOS KALBARYO

Matapos dumaan sa Husgado, sinasabing ganap na malinis na ang isang mamumuwesto. Dahil dito handa na siya sa pangangalbaryo. Ang pag-akyat saSantos Kalbaryo ang sinasabing sukdulan ng paglalakbay sa bahagi ng Dolores. Sa Santos Kalbaryo pinaniniwalaang ipinako si Hesukristo. Isang mabatong bundok ang Santos Kalbaryo na sa tuktok nito ay matatagpuan ang tatlong krus. Matarik ang daan paakyat sa Kalbaryo na bagamat may lugar na mga mapuno, ang mataas na bahagi nito ay natatamnan lamang ng mga talahib o damo kasama ang malalaking tipak ng bato.

Ang hirap sa pag-akyat kasabay ang matinding sikat ng araw ay maituturing na sakripisyo para sa mga mamumuwesto.  Habang paakyat ng Kalbaryo ang bawat indibidwal ay may bitbit na maliit na bato hanggang marating nito ang tuktok. Inilalagay ang dalang bato sa ilalim ng mga krus bilang simbolo ng pag-akyat sa lugar.

KINABUHAYAN

Sinasabing matapos ng tatlong araw ay muling nabuhay si Hesukristo sa Kinabuhayan. Tulad ng lugar ng Dolores, ang Kinabuhayan ay pinalilibutan rin ng maraming bato, talon, kuweba at mga ilog.

Pinakakilala sa lugar ang Pinaggapusan, Tubig Kinabuhayan, isang malawak na ilog kung saan may malapad nabato na may bakas ng mga yapak na pinaniniwalaang kay Hesukristo, at ang Pinagburulan, kuweba kung saan sinasabing nakita ang pigura ni Kristo na nabuhay at Santos Kolehiyo.  Sa kinabuhayan makikita ang kapilya ng ilang sekta.

KUWEBA NG DIYOS AMA

Ang dulong pamumuwesto sa Kinabuhayan ay ang natural na katedral na tinatawag na Kuweba ng Kapangyarihan ng Diyos Ama na malapit sa tuktok ng Bundok Banahaw. Isa itong malawak na kuweba na pinalilibutan ng mga mahahabang pako at mga halaman na nakasabit sa Kuweba. Sa gitna ng kuweba ay makikita ang malaking krus na yari sa kahoy. Natitirik din ang mga nakakarating dito ng kandila at nananalangin.

Sinasabing may misteryosong bukal sa loob ng kuweba ng Diyos Ama na natutuyo umano kung hindi itatapon ng mamumuwestoang dala nitong tubig.

Matapos naman ng higit tatlong oras na paglalakad maaaring marating ng mamumuwesto ang Santos Durungawan at ang bunganga ng bulkan o Ilalim. Sa tuktok ng Bundok Banahaw malinaw na matatanaw mula rito ang probinsya ng Laguna, Quezon at ang Karagatang Pasipiko.

Sinasabing maraming dahilan ang mga tao kung bakit sila umaakyat sa Bundok Banahaw. Mga taong naghahanap ng mga banal na lugar bilang tradisyon tulad ng Lourdes, Fatima, o Manaoag, at Peñafrancia. May mga tao ring naghahanap ng paggaling mula sa pisikal, emosyonal hanggang ispiritwal kasama ng pananampalataya, herbal at mental na paggaling at mga taong interesado sa mga misteryo, panggagamot, at sa mga taong naghahanap ng anting-anting o kapangyarihan.

Karamihan sa mga pumupunta sa Bundok Banahaw ay hindi lang gustong mamasyal. Halos lahat ng dumarayo rito ay pumupunta upang magdasal, at mag-alay ng sakripisyo upang magpenitensiya, humingi ng tawad o humingi ng pabor.

-Myca Cielo M. Fernandez