UPANG maiwasang maulit ang tatlong buwang pagkaantala ng implementasyon na nangyari sa 2019 national budget, maagang naglabas ang Department of Budget and Management ng mungkahing pondo para sa taong 2020.
Nagkakahalaga ang mungkahing pondo ng P4.2 trillion. Labindalawang porsiyentong mas mataas kumpara sa 2019 budget na P3.757 trillion, na ipinatutupad na ngayon simula nitong Abril. Kinailangan nating gamitin ang lumang budget ng 2018 para sa unang tatlong buwan ng taon dahil sa sigalot sa Kongreso hinggil sa umano’y mga pondo na pork barrel kaya’t nito lamang Marso naapbrubahan ang 2019 National Budget.
Sa mungkahing 2020 budget, halos kalahati o 44.9%− ay ilalaan para sa mga regular na aktibidad at programa ng pamahalaan (Tier 1), tulad ng pagsasaayos ng mga opisina at kagamitan, infrastructure subsidies para sa mga korporasyon ng pamahalaan, at mga nagpapatuloy na proyekto na inaprubahan noong nakaraang taon. Ang P1.35 trilyong halaga ay iminungkahi para sa awtomatikong paglalaan, tulad sa Internal Revenue Allotments (IRA) para sa mga lokal na gobyerno.
Para sa mga bagong programa (Tier 2), ang halagang P1.045 trilyon ay iminungkahi para sa mga programang pang-imprastraktura ng administrasyon. Katulad na halaga ang imungkahi rin para sa pagpapatupad ng Bangsamoro Organic Law, Rice Tariffication Act, Universal Health Care Act, pagsasakatuparan ng Pantawid Pamilyang Pilipino cash-aid program at ang pagtatayo ng Department of Human Settlements and Urban Development.
Ang mungkahing budget na inihanda ng DBM ay maagang isusumite sa Kongreso upang magkaroon ito ng sapat na panahon para pag-aralan at maaprubahan bago magtapos ang taon. Maaari itong lagdaan ni Pangulong Duterte at maisabatas bago ang Enero 1, 2020, kasabay ng pagsisimula ng gastusin ng pamahalaan.
Hindi natin ito nagawa sa 2019 National Budget dahil sa pag-aakusa ng mga senador at kongresista sa isa’t isa ng pagsisingit ng mga pondong “pork barrel” sa budget. Mailalagay ng mga miyembro ng kongreso ang mga tunay na kinakailangang proyekto na masasama sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kung maaga nila itong matututukan, tulad ng inisyal na mungkahi ng DBM.
Ang mungkahing budget na binuo ng DBM para sa 2020 ay mapapansing para sa pagpopondo ng mga bagong programa at proyekto ng administrasyon, partikular sa Bangsamoro Autonomous Region at programang pag-aangkat ng bigas. Sa dalawang programa pa lamang ito, dapat na hindi maantala ang pag-apruba ng 2020 National Budget.
Kaya naman umaasa tayo na ang maagang pagbuo ng pambansang budget para sa 2020 ay magbibigay ng sapat na panahon upang mapag-aralan ito at mailagay ang mga kinakailangang pagbabago. Hindi na dapat pang maulit ang nangyaring hindi pagkakasundo sa Kongreso na naging dahilan upang mapilitan ang pamahalaan na gamitin ang lumang budget para sa unang bahagi ng taon.