AMINADO si SEA Games veteran karateka Engene Dagohoy na lumakas ang mga bansang kanilang makakaharap sa 2019 Southeast Asian Games sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Ayon sa multi-title na si Dagohoy, hataw ang mga bansang dati ay mahihina at madaling kalaban gaya ng Cambodia, Laos, Brunei at Myanmar, kung kaya naman hindi dapat na makampante ang koponan kung nais na makakuha ng gintong medalya para sa biennial meet.

“To be honest ang hirap mag predict. Kasi lahat ng bansa ay umaangat na po. Kahit yung mga underdog countries like Cambodia, Laos, Myanmar at Brunei ay umangat na po,” pahayag ni Dagohoy sa panayam ng Balita.

Ngunit, aminado siya na mas lumakas ang koponan ng Pilipinas gayung, kaya na din nilang makipagsabayan sa mga malalakas na koponan na gaya ng Japan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Lumakas kami and gained respect sa mga powerhouse countries. Kasi natalo kami in a close fight. Hindi tambak or bugbog,” dagdag ng 27-anyos na si Dagohoy.

Kamakailan, sumabak ang koponan ng Karate Pilipinas Sports Federation (KPSF) sa Bangkok, Thailand sa Southeast Asian Karate Federation Championship (SEAKF) kung saan ay napagdesisyunan ng mga coaches nito na i-withdraw ang koponan matapos ang mga natamong injuries nina Dagohoy at Sharief Afif sa kasagsagan ng kanilang laban.

Nagtamo ng tama sa kaliwang mata si Dagohoy sa kanyang bronze medal bout sa 84kg, habang si Afif naman ay nasaktan sa kanyang kaliwang balikat matapos masiguro ang bronze medal sa kanya namang 75kg category.

Dahil dito ay minabuti na lamang ng KPSF coaches na huwag nang palabanin ang kanilang mga atleta upang hindi na maragdagan pa ang injuries ng mga ito.

“Sa Juniors may mga nag medal, sa Seniors may nag 1 bronze, tapos 3 kaming nag medal bout. Minor mistakes lang. Pero ang nagyari ngayon para makapaghanda sa SEA Games alam na namin. May limang taon din kaming nawala sa scene ng SEAKF, nag papakilala pa lang ulit,” ayon kay Dagohoy.

Sa kasalukuyan, naghahanda naman ang koponan para sa kanilang nalalapit na pagsabak sa Asian Karate Championship na magaganap sa Vietnam ngayong Hulyo.

-Annie Abad