‘Yung hindi ka Katoliko at hindi ka rin nakahabol sa abalang booking para magbakasyon sa labas ng Metro Manila, o wala ka lang talagang budget na magagasta… paano ba?

Dahil nakabakasyon ang lahat at summer naman, samantalahin na rin natin ang mahaba-habang bakasyon ngayong linggo, lalo na kung kabilang ka sa may ibang relihiyon.
Para sa mga nagtitipid at hindi makapunta sa malalayong lugar, maraming pupuwedeng mapuntahan dito sa Metro Manila at sa mga katabing probinsiya.
Maaaring pumunta sa mga beach o resort kung saan pupuwedeng lumangoy o maglaro lang sa buhangin, o kaya magbilad lang sa sikat ng araw. Ang iba naman—lalo na ‘yung naubusan na ng booking sa lalawigan—ay mas pipiliing mag-staycation nang ilang araw sa mga hotel, na nagtatampok din ng iba’t ibang aktibidad para sa kanilang guests.
Kahit Semana Santa ay marami pa ring bukas na mga mall o kainan, kaya uubra rin ang food trip. Ang iba naman ay naghahanda sa bahay at sinasamantala ang ganitong mahabang bakasyon upang magkita-kita muli ang magkakaibigan o magkakamag-anak.
Maliban sa mga mall ay marami ring bukas na parke, kung saan pupuwedeng mag-picnic, o mag-camping, o kahit simpleng sightseeing lang at pagkuha ng mga litrato.
Kung ayaw namang lumabas ng bahay dahil na rin sa alinsangan ng panahon, marami ring maaaring pagkaabalahan. Puwedeng makipagbonding sa mga kaibigan o pamilya sa paglalaro ng board o card games. Isa ring magandang gawin ay ang panonood ng pelikula, TV series, at mag-movie marathon kaya.
Sa mga forever bookworms naman, ito na ang hinihintay na pagkakataon para matapos nang basahin ang librong ilang beses mo nang hindi matuluy-tuloy—saka magsimula ng mga bagong libro.
Kung may ibang hobbies, puwede mo na itong gawin ngayon. Pero mahalaga ring magkaroon ng sariling meditation at reflections—ano man ang iyong relihiyon—dahil perpekto ang panahong ito para magkaroon ng espesyal na oras para sa sarili.
-Angelli Catan