Anu-ano ang alam mong pamahiin tuwing Semana Santa?
Taun-taon, naghahandog ng isang linggo ang mga Pilipino, lalo na ang mga Katoliko para gunitain at pagnilayan ang pag-ibig, pagdurusa, at pagpapakasakit ni Hesukristo para tubusin ang kasalanan ng sanlibutan, Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay.
Nagsisimula ang Holy Week o Semana Santa sa Linggo ng Palaspas, ang araw ng Linggo bago sumapit ang Linggo ng Pagkabuhay, na sumisimbolo sa matagumpay na pagdating ni Hesus sa Jerusalem. Ipinagdiriwang ito ng mga Katoliko sa pamamagitan ng pagpapabasbas ng holy water sa mga bitbit nilang palaspas sa misa sa Simbahan.
Ngayong taon, nagsimula ang Semana Santa nitong Lunes Santo, Abril 15, at magtatapos naman sa Sabado de Gloria, Abril 20.
Bukod sa taimtim na pagninilay, marami ring pamahiing pinaniniwalaan at sinusunod ang mga Pilipino kaugnay ng kaganapan, mga kasabihan at kaugalian na dapat umanong sundin o isaisip tuwing sasapit ang Mahal na Araw.
Narito ang ilan sa mga ito:
- Palaspas sa Pintuan
Ang paglalagay ng palaspas sa pintuan ay para raw itaboy ang masasamang espiritu at malas palayo sa bahay at pamilya.
- Anting-anting
Marami ang naniniwala na mas makapangyarihan ang mga albularyo kapag Mahal na Araw, kaya angkop itong panahon para dasalan ang mga anting-anting at mas palakasin.
- Hindi pagkain ng karne ng baboy at manok
Simula Lunes Santo ay iniiwasan ng mga deboto ang pagkain ng karne, bilang pagwaksi sa kasalan. Maaaring kainin ang iba’t ibang uri ng isda at mga gulay.
- Huwag mag-ingay
Dahil sa panahong ito nagpakasakit ang Panginoon upang iligtas ang sanlibutan, marapat lamang na magbigay galang sa kanyang paghihirap at isang paraan para ipamalas ang pakikidalamhati sa Kanya ang pag-iwas sa paggawa ng ingay.
- Patay si Hesus
Marami ang naniniwalang binawian ng buhay si Hesus tuwing Biyernes Santo kaya mas malakas ang kapangyarihan ng masasamang espiritu.
- Bawal magbiyahe at masugatan
Mas mag-ingat tuwing Biyernes Santo at Sabado de Gloria at iwasang masugatan dahil sakaling magkasugat ay matagal ito bago gumaling. Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagbibiyahe para makaiwas sa anumang uri ng aksidente.
- Bawal maligo simula 3:00 ng hapon
Pinaniniwalaang 3:00 ng hapon binawian ng buhay si Hesus habang nakapako sa krus, kaya hindi umano magandang maligo sa oras na ito. Iwas-malas.
- Bawal tumingin sa salamin
Ayon sa kasabihan, maraming masasamang espiritu raw ang nagpapakalat-kalat tuwing Biyernes Santo (simula 3:00 ng hapon) hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay (bago muling mabuhay si Hesus). Dahil dito, bawal tumingin sa salamin para makaiwas sa masasamang elemento.
-Dianara T. Alegre