FIRST time naming marinig si Bong Revilla na magsalita sa harap ng maraming tao at nangyari ito sa proclamation rally ni Enrico Roque na muling tumatakbong mayor sa Pandi, Bulacan pagkatapos matalo sa 2016 elections.
Ang husay magsalita ni Bong at nakakatuwang hinaluan niya ng comedy ang speech, kaya natawa ang mga taga-Pandi. Sabi ni Bong, sa pagpayat niya dahil sa kampanya, napagkakamalan siyang ang anak na si Cavite Vice-Governor Jolo Revilla.
Ginamit din ni Bong sa kanyang speech ang “anak ng Teteng” na dialogue sa ilang pelikula niya, kaya lalong natuwa ang mga tao.
Ngayong Holy Week, tigil muna sa kampanya si Bong para i-observe ang Holy Week sa Boracay na nakaugalian na nila. Pansamantalang natigil ang taun-taon nilang ginagawa dahil nakulong si Bong, pero ngayong nakalabas na siya sa kulungan, ibinalik nila ang nakaugaliang gawin.
“Bonding na rin namin ang Holy Week sa Boracay dahil hindi na kami nagkikita-kita. Pare-pareho kaming busy sa pangangampanya, kaya lulubusin namin ang Holy Week,” sabi ni Bong.
Samantala, sa latest survey result, kasama pa rin sa Top 12 si Bong na ipinagpapasalamat nito sa mga nagmahahal sa kanya.
“Nasa top 6 ako sa latest SWS survey, kaya natutuwa ako dahil despite sa mga pinagdaanan ko sa buhay, nandoon pa rin ang tiwala sa akin ng tao. Everywhere I go, ramdam ko ang pagmamahal sa akin ng mga tao sa init nang pagtanggap, at init ng mga yakap. Kikilabutan ka ‘pag nakita ninyo kung paano nila ako minamahal,” patuloy ni Bong.
Samantala, tuloy na ang pagsali ni Bong sa 2019 MMFF na sinabi na rin niya sa una niyang pagharap sa press people.
“Sure na ‘yun. I’m open kung kunin ako ninuman at open ako kung may combination na gusto akong makasama. Open si Bong kahit sino ang ka-combination. May nakahanda na akong project. Pero, dapat manalo muna tayo, mangampanya muna tayo, saka na ang pelikula,” pagtatapos ni Bong.
-Nitz Miralles