GANITO ang ilang saknong ng maikling tula na isinulat ko kaugnay ng matinding init at kakulangan ng tubig na dinaranas ngayon ng mga kababayan. “Sagana sa init/ at kulang sa tubig/ Kalagayan ngayon/ ng bayan kong hapis/ Tagaktak ng pawis/ di mapatid-patid/ Umulan ka naman, maawa ka langit!”

Double whammy wika nga sa English ang tumatama ngayon sa mga Pinoy. Manipis na supply ng kuryente kung kaya may mga blackout/brownout. Kulang ng supply ng tubig na nataon pa sa tag-init.

Abalang-abala ang kaibigang Joe Zaldarriaga, Meralco spokesman, sa pagtugon sa mga panayam sa radyo at TV hinggil sa numinipis na supply ng kuryente. Matiyaga siya sa pagpapaliwanag.

Sa usapin ng tubig, hindi lang ngayon ang Manila Water ang nag-iiskedyul ng supply ng tubig sa mga residente ng Metro Manila, Rizal at kalapit na lugar. Maging ang Maynilad ay nagpapatupad na rin ng oras sa pagkakaroon at pagtigil ng tulo ng tubig. Dati-rati, ang may problema lang ay Manila Water, nahawa na rin yata ang Maynilad.

Noong Biyernes, nagpatupad ng tinatawag na rotating blackouts sa Luzon, kabilang ang Metro Manila, dahil ang Luzon grid ay inilagay sa 13-hour red alert status kasunod ng shutdown ng ilang power plants. Ayon sa Department of Energy (DoE), nawalan ang Luzon grid ng kabuuang 2,489 megawats (MW) bunsod ng umano’y “planned maintenance, unplanned outage and de-rated capacity of several plants”. Ewan kung maiintindihan ito ng libu-libong consumers.

Ayon sa report, ang mga planta na nasa ilalim ng unplanned outage ay ang 150-MW Unit 2 ng San Miguel Consolidated Power Corp., ang 647-MW Sual Unit 1 ng Team Energy at San Miguel, ang 150-MW Unit 2 ng Southwest Luzon Power Generation Corp. Unit 2 ng DMCI, ang 420-MW Pagbilao Unit 3 ng Team Energy at Aboitiz Power, at ang 135-MW Unit 1 ng South Luzon Thermal Energy Corp Unit 1 ng Ayala Group. Uli, ewan kung mauunawaan ito ng ordinaryong tao na kulang sa supply ng kuryente.

Sana naman ay gumawa ng agarang hakbang at solusyon ang mga awtoridad upang maibalik ang supply ng kuryente at tubig. Isipin ninyo, dalawang pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan ngayong tag-araw ang kulang kung kaya sila ay labis na nahihirapan.

oOo

Mula sa Davao City, sinabing ipaliliwanag ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang kayamanang taglay ng kanyang pamilya sa tamang panahon na hinahalungkat ng mga kritiko. Binalewala ni PRRD ang report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), na sumuri at humalungkat hindi lang ng kanyang kayamanan kundi maging sa ibang miyembro ng pamilya. Kabilang dito sina Davao City Mayor Sara Duterte at ex-Vice Mayor Paolo Duterte na bigla raw ang paglaki ng pera o assets.

“Huwag ninyong paniwalaan ang mga basurang itinatapon ng oposiyon. Ipaliliwanag ko ito in due time,” pahayag ng Pangulo sa PDP-Laban campaign rally sa Bacolod City noong Huwebes. Kung siya raw ay talagang mayaman, hindi niya isisiwalat kung saan niya itinatago ang pera.

Dagdag pa ni PDu30: “Ganoon ba ako kayaman? Itatago ko ito. Bakit ko sasabihin sa inyo kung nasaan ang aking kayamanan?” Naghihinala siyang ang investigative report ng PCIJ ay itinaon sa kampanya sa layuning siraan siya at ang pamilya.

Nanindigan naman ang PCIJ na ang report nila ay batay sa nakarehistrong SALN ng Pangulo, at ng anak niyang sina Sara at Paolo. Iginiit ni Inday Sara na pareho silang abogado ng asawa niyang si Mans Carpio at nagtatrabaho sila bukod pa sa ibang business nila, kung kaya ang kanilang pera ay mula sa pawis at hirap. Talaga yatang ganyan tuwing eleksiyon, batuhan ng intriga at paninira.

-Bert de Guzman