BINIGYANG-DIIN ng Pilipinas ang pangangailangan ng mga miyembrong bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa pagbabahagi ng kanilang mga pagsisikap at mga hakbangin upang malutas ang “money laundering schemes”, na napatunayang isa sa mga pangunahing paraang ginagamit upang pondohan ang mga gawain at aktibidad ng mga terorista sa mundo.
Sa isang pahayag kamakailan, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na bilang bahagi ng Pilipinas, ang pagpapatibay nito ng Republic Act 10168 o ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 ang nagpapakita ng aksiyon ng bansa upang labanan ang pandaigdigang terorismo at ang pagpopondo rito.
Ayon kay Dominguez, pinalalakas ng “criminalizing terrorism financing” sa ilalim ng RA 10168, ang pagsisikap ng Pilipinas na matukoy at mapigilan ang pondo na ginagamit o planong gamitin upang magsagawa ng mga pag-atake.
“The Philippines is currently extending efforts to stifle the occurrence of illicit trade activity. Regardless, illicit trade activity continues to pose a high risk to the country. Moreover, money laundering contributes to terrorism financing, the threat of which has been categorized as high risk. The ASEAN Member-States can thus share their efforts and initiatives in deterring this problem,” pagbabahagi ni Dominguez sa idinaos kamakailan na 23rd ASEAN Finance Ministers Meeting sa Chiang Rai, Thailand.
Sa mga miyembro ng ASEAN, ikinokonsidera ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang may pinakamababang tiyansa ng money laundering bagamat nananatiling problema ang ilegal na daloy ng kita.
Sa Pilipinas, aniya, “close cooperation with relevant intelligence and law enforcement agencies is essential in order to trace, seize and forfeit funds used or about to be used for terrorism financing, and hurdle impediments, such as bank secrecy laws, to ensure the successful prosecution [of this crime].
Dagdag pa niya, kasalukuyang nakabinbin sa Kongreso ang amyenda na susuporta sa legal at administratibong balangkas para sa awtomatikong palitan ng impormasyon sa iba pang foreign tax authorities.
PNA