CAMP MARCELO A. ADDURU, TUGUEGARAO CITY – Tinatayang aabot sa isang kilo ng pinaghihinalaang cocaine na nagkakahalaga ng P5.7 milyon ang natagpuan habang ito ay palutang-lutang sa baybayin ng Batanes, nitong Martes ng hapon.
Ang nasabing droga na selyado ng transparent vacuum plastic ay nadiskubre ng isang mangingisda sa bisinidad ng Naidi Light House sa Basco, dakong 2:30 ng hapon, ayon kay Batanes Police Provincial Office chief, Col. Merwin Quarteros.
Sa salaysay ng mangingisdang si Roger Gallo Gabotero, ng Barangay Kayhuvukan, Basco, agad niyang isinuko sa Basco Police Station ang naturang iligal na droga.
Paliwanag nito, una niyang nakita ang isang bloke na magkakahiwalay na nakabalot at palutang-lutang sa nasabing karagatan.
Ang una aniya ay nakabalot ng puting plastic habang ang ikalawa ay nakabalot ng green foil na may tatak na “guanyinwang” refined Chinese tea at ang ikatlo ay nakabalot ng transparent na vacuum na may letter “A” markings.
Hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang responsable sa pagtatapon ng iligal na droga sa naturang lugar kaya’t nagsasagawa pa sila ng imbestigasyon sa insidente.
-LIEZLE BASA IÑIGO