NAGSIMULA na nitong Sabado, Abril 13 ang overseas voting ng bansa, para sa midterm election. Sa kasalukuyan, nasa 1.88 milyon ang rehistradong botante sa abroad, kung saan inaasahang 25 porsiyento ang boboto para sa 12 bagong miyembro ng Senado at mga party-list sa Kamara de Representantes.
Maaring malaki ang gampanang tungkulin ng mga overseas voters sa nalalapit na halalan, ayon kay Commission on Elections (Comelec) Director for Overseas Voting Elaiza Sabile David. Noong halalan ng 2016, pagbabahagi niya, mahigit 300,000 boto ang nagmula sa mga overseas voters at marami sa mga kandidato sa pagkasenador ang natalo lamang sa 100,000 boto o mas mababa pa. Idinagdag din ni Comelec Spokesman James Jimenez na mahirap matukoy sa ngayon ang kalalabasan ng overseas voting.
Mula sa kabuuang 1,882,173 milyong rehistradong Pilipinong botante sa abroad, 887,744 ang nasa Gitnang Silangan at Africa, na sinusundan ng 401,390 sa Asya at Pasipiko, 345,491 sa Hilaga at Katimugan ng Amerika, at 177,624 sa Europa.
May mga survey na lumalabas kung paano ang maaaring kalabasan ng halalan sa Mayo 13. Bumabatay sila sa mga ibinabalita ng media gayundin sa matinding kampanya ng mga kandidato kasama ng kani-kanilang mga tagasuporta. Nagkakaroon ng mga malalaking pagbabago sa mga lumalabas na resulta ng survey habang nagpapatuloy ang kampanya.
Malamang na hindi lubos na maapektuhan ang mga overseas voters ng mga ibinabalita ng media sa Pilipinas, ng personal na dating, itsura ng mga kandidato at mga tagasuporta na kumikilos sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Maaaring mas malaya ang kanilang isip kumpara sa kanilang mga kababayan na piniling manatili sa bansa. Ngunit lahat ng ito ay espekulasyon lamang lalo’t wala namang mga lumalabas na survey mula sa mga botante na nasa ibang bansa. Maaari ring may katotohanan ito, lalo na kung ikokonsidera ang maraming suliranin at interes ng mga Pilipino nasa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ang tanging masisiguro natin ay ang nagpapatuloy na interes at patingin ng mga overseas voter sa ating bansa. Umalis man sila upang manirahan at magtrabaho sa ibang mga bansa, karamihan dulot ng matinding pangangailangan, ngunit patuloy nilang ipinapakita ang pakikiisa sa bansa. Kaya naman ikinalulugod natin ang mga overseas vote sa nalalapit na halalan, dahil patunay ito ng nagpapatuloy na interes ng ating mga Overseas Filipino Workers sa lahat ng mga nangyayari sa bansa, kabilang ang mahalagang halalan para sa senador at party-list sa Mayo 13.