CEBU CITY – Arestado ang isang 45-anyos na babae dahil sa reklamong online sexual exploitation of children (OSEC).
Sa report ng Women and Childern Protection Center-Vosayas Field Unit (WCPC-VFU), dinampot nila ang suspek sa isang entrapment operation sa Mandaue City, nitong Martes ng umaga
Idinahilan ng pulisya, hinuli nila sa akto ang suspek habang iniaalok ang kanyang dalawang anak na menor de edad para ipagamit sa pamamagitan ng pagsalang sa live stream, kapalit ng pera ng mga online pedophile.
Isinagawa ng mga awtoridad ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang Department of Justice-Office of Cybercrime mula sa United States-based National Centre for Missing and Exploited Children kaugnay ng iligal na gawain ng ginang.
Natuklasan din ng pulisya na iniaalok din nito ang anak niyang 15-anyos para sa online child sexual exploitation.
Kaugnay nito, nasagip naman ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 13-anyos at 17-anyos na anak ng suspek.
“OSEC is a crime that violates the Anti-Trafficking in Persons Act or Republic Act 9208, as amended by RA 10364, which comes with a maximum penalty of life imprisonment and a fine of P2 million to P5 million,” ayon kay WCPC-VFU chief Romeo Perijo.