Semana Santa na ulit at panahon na para sa Visita Iglesia.
Siguradong mapupuno na naman ng mga deboto ang mga simbahan. Ang pagpunta sa pitong simbahan sa isang araw ay hindi isang biro, lalo na’t mainit ang panahon at kung may kasama kang mga bata.
Ano nga ba ang mga kailangang tandaan upang maging mas kumportable at makabuluhan ang pagbi-Visita Iglesia?
*Unang una ay ang pagpaplano. Kailangang isipin kung aling mga simbahan ang pupuntahan at kung gaano kalayo ang mga ito. Pati ang rutang dadaanan ay kailangang alamin upang hindi magpabalik-balik, lalo na kung walang gamit na sasakyan at mamamasahe lamang.
*Pangalawa ay ang damit na susuotin. Siguraduhing kumportable na damit ang pipiliin pero ‘wag kalimutang disente rin dapat upang magbigay-galang sa simbahan at sa iba pang tao sa simbahan.
*Maaraw man o maulan ay magdala rin ng payong dahil mas mabuti na ang maging handa. Maaari ring magsuot ng cap hanggang sa labas lamang ng simbahan kung walang dalang payong.
*Sa init ng panahon ngayon ay kahit kumportable ang suot natin ay wala pa rin tayong kawala sa sikat ng araw kaya isang paraan upang maiwasang mahimatay at ma-heat stroke ay ang pag-inom ng tubig at tamang pagkain. Siguradong maraming mabibilihan ng tubig at pagkain sa labas ng mga simbahan pero mas mabuti kung magbabaon upang makatipid. Kung may kasama ring mga bata ay maaari magdala ng mga tinapay o biskwit.
Minsan ay hindi maiiwasan na hindi isama ang mga anak o kapatid o pamangkin na bata sa Visita Iglesia lalo na kung malayo ang pupuntahan o walang magbabantay sa kanila. Pero mabuti rin na maaga pa lang ay ipakita na sa kanila ang ganitong tradisyon at pananampalataya.
Sa dami ng tao minsan sa mga simbahan ay mahirap isama pa ang mga bata kaya naman ay kailangang bantayan silang mabuti at hindi ilalayo ang tingin sa kanila at siguraduhing lagi silang may kasamang matanda.
Dahil sa dami ng tao minsan sa mga simbahan at kung minsan ay siksikan pa ay mas mabuting kakaunti lamang ang dala.
*Dalhin lang ang mahahalagang gamit at kinakailangan sa Visita Iglesia upang hindi makatawag ng pansin sa iba tulad ng pagdadala ng maraming bag o pagsusuot ng alahas. Mas kaunti ang dala ay mas mabuti dahil ang Visita Iglesia ay ginagawa upang magdasal at hindi isang paglalakwatsa.
*Kung malayo ang pupuntahang simbahan at hindi pamilyar sa lugar ay siguraduhing charged ang mga cellphone at powerbank upang hindi mawala at makontak ang ibang kasama.
Taon-taon ay ginagawa nang tradisyon ng ibang pamilya ang pag-Visita Iglesia at isang dahilan upang magkasama-sama ang buong pamilya at makapagdasal at magpasalamat sa Diyos.
Hindi masama ang maging laging handa at malaman ang mga dapat at hindi dapat gawin sa Visita Iglesia dahil kung handa ka ay mas makakapagpokus ka sa tunay na halaga nito.
-Angelli Catan