Pinaalalahanan ng Department of Tourism ang mga turista na isabuhay ang “responsible tourism” sa paggunita sa Semana Santa.
Sinabi ni Tourism Assistant Secretary Roberto Alabado III na responsibilidad din ng mga turista na panatilihing malinis ang mga lugar na kanilang binibisita.
“Ang reminder po natin galing sa Department of Tourism ay responsible tourism po... [Ang] Diyos ay binigyan tayo ng responsibilidad na maging stewards po ng nature natin,” ani Alabado.
Hinikayat ni Alabado ang mga turista na magdala ng kani-kanilang reusable water bottles upang mabawasan ang mga plastic na basura, kasama ng tamang pagtatapon sa mga tamang tapunan.
“Sana po sa paglilibot natin sa Pilipinas, ang pagbisita natin sa iba’t ibang shrines, iba’t ibang churches, tayo po ay maging responsableng mga Kristiyano, kung saan pati ‘yung ating mga basura ay pag-ingatan po natin at ilagay po natin sa tamang lugar,” anang tourism official.
Hinikayat din ng DoT ang publiko na pumila nang maayos, huwag abalahin ang ibang mga deboto sa paggamit ng flash sa pagkuha ng mga larawan, panatilihin ang katahimikan lalo na sa mga lugar dalanginan, magdala ng mga reusable tumblers, at magsuot ng disenteng damit.
-Analou De Vera