Mga naantalang biyahe, kulang na bus, at maging ang napakaalinsangang panahon.

BIYAHENG-PROBINSIYA Dagsa na ang mga pasahero sa Araneta Bus Terminal sa Cubao, Quezon City nitong Martes Santo, para gunitain sa mga probinsiya ang Semana Santa. (ALVIN KASIBAN)

BIYAHENG-PROBINSIYA Dagsa na ang mga pasahero sa Araneta Bus Terminal sa Cubao, Quezon City nitong Martes Santo, para gunitain sa mga probinsiya ang Semana Santa. (ALVIN KASIBAN)

Ilan lang ito sa mga problemang sumalubong sa pag-iikot ni Philippine National Police (PNP) chief, General Oscar Albayalde sa kanyang pag-iinspeksiyon sa ilang bus terminal at airport sa Metro Manila ngayong Miyerkules.

Ayon kay Albayalde, mananatiling naka-full alert ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong Semana Santa hanggang sa eleksiyon sa Mayo 13.

Metro

Ama ng estudyanteng tumalon sa LRT, 'di magsasampa ng kaso sa driver

“Kapag sinabi nating full alert status, lahat ng personnel natin should be accounted 100 percent. All the leaves are cancelled except for those that are emergency in nature. Lahat po ng pulis natin are present in their different offices or different stations,” paliwanag ni Albayalde.

Unang ininspeksiyon ng PNP Chief ang Araneta Center bus terminal sa Quezon City bandang 10:00 ng umaga.

Ayon kay Ramon Legazpi, property manager ng Araneta Center Bus Station and Bus Port, nasa 7,000 pasahero ang araw-araw na umaalis sa terminal araw-araw.

“Ngayon (Miyerkules Santo) inaasahan natin, dahil ngayon ang huling araw sa opisina, definitely later this afternoon ‘till evening dadagsain na tayo so up to 8,000 passengers na,” sinabi ni Legazpi sa BALITA.

Tinungo rin ni Albayalde ang Victory Liner at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City, at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITEx) sa Parañaque City.

“Unang concern nila (mga pasahero) is kulang ang mga bus na de-aircon. Sabi nga nila sa sobrang init, ang mga kababayan natin, with the 12 hours of travel, napakainit and nade-delay ang mga bus,” ani Albayalde. “Kaya naman ang LTFRB [Land Transportation Franchising and Regulatory Board], I think nagbigay ng mga special permits sa mga iba't ibang bus companies.”

Kinumpirma rin ni Albayalde na walang na-monitor na security threat ang PNP sa Metro Manila, bagamat patuloy na ipatutupad ng pulisya ang maigting na seguridad, at nasa 91,000 pulis ang ipinakalat sa buong bansa para tiyakin ang ligtas na Semana Santa.

-Martin A. Sadongdong