Iniimbestigahan ng pulisya ang tatlong ballot boxes na nadiskubre sa kisame ng isang ginigibang bahay sa Bago Bantay, Quezon City, noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Brig. Gen. Joselito Esquivel Jr., Quezon City Police District (QCPD) director, na ang mga ballot box ay nadiskubre sa loob ng isang bahay sa Cotabato Street sa Barangay Alicia, bandang 4:00 ng hapon nitong Abril 12.
Ayon sa imbestigasyon, binabaklas ng demolition team ang bubong ng isang bahay nang matuklasan nila ang mga ballot box na nakatago sa kisame ng bahay, pero binalewala lang nila ito.
Makalipas ang tatlong araw, nagtungo sa nasabing bahay ang mga tauhan ng QCPD-Station 2 Masambong upang kumpirmahin ang report tungkol sa mga nadiskubreng ballot box.
Nang inspeksiyunin, napansin ng mga awtoridad na dalawa sa tatlong ballot box ang wala nang laman, habang ang isa ay may dalawang paper seals, dalawang walang laman na short brown envelope, isang walang laman na long brown envelope, apat na watcher tally sheet, at tatlong blangko na mimeographed paper.
Dinala ang mga nasabing ebidensiya sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa QCPD Headquarters sa Camp Karingal para sa masusing imbestigasyon.
Sa dokumentong nakuha ng mga imbestigador mula sa Bgy. Alicia, natuklasan niyang ang ginigibang bahay ay nakapangalan sa isang Lilia Deang, na pumanaw noong Hulyo 2017.
Ayon sa anak ni Deang na si Eleno Omilig, naging tambakan ng gamit ng mga dati nilang boarder ang nasabing bahay, at karamihan sa mga nasabing boarders ay nagtatrabaho sa isang shopping mall sa EDSA.
Dahil palit-palit at napakarami na nilang naging boarder, hindi na umano matutukoy ni Omilig kung sino sa mga iyon ang nagtago ng mga ballot box sa kisame.
Sinabi ni Esquivel na nagpadala na ang QCPD ng letter of request sa Commission on Elections (Comelec) upang beripikahin ang anumang available na dokumentong nasa loob ng isa sa tatlong ballot box.
-Alexandria San Juan