Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7:00 n.g. -- Magnolia vs Rain or Shine
MAIBAON ng tuluyan sa kumunoy ng kabiguan ang asam ng Rain or Shine Paint Masters sa karibal na Magnolia sa pagpalo ng Game 3 ng kanilang best-of-seven semifinals series ngayon sa 2019 PBA Philippine Cup.
Matapos ang 84-77 na panalo sa Game 1, muling tinalo ng Elasto Painters ang Hotshots nitong Linggo, 93-80, para sa 2-0 bentahe.
Naniniwala si coach Caloy Garcia na ang tiwala sa isa’t-isa at pagtutulungan ang susi sa kanilang naging tagumpay.
“I think it’s all about trusting each other,” ani Garcia, matapos na magkakaibang mga manlalaro ang nag-step-up sa unang dalawa nilang laro sa semifinals. “If you noticed, we rarely used some of our players in the eliminations, but we always tell them to be ready.”
Muling dinomina ng Elasto Painters ang Hotshots sa Game 2 dahil na rin sa kontribusyon ng kanilang “support crew” partikular sina rookie Javee Mocon, Rey Nambatac, Kris Rosales, Ed Daquioag, Norbert Torres at Mark Borboran.
Dahil sa kanilang ipinapakitang performance ay nagagawa ng Elasto Painters na magwagi kahit wala ang kanilang sentrong si Raymond Almazan at starting guard Maverick Ahanmisi na kapwa injured.
“Sabi ko sa kanila na pagdating sa ganitong sitwasyon kailangan ready lahat at kailangan magtulungan,” pahayag ng beteranong gunner na si James Yap.
-Marivic Awitan