ILANG artista, gaya nina Bianca Gonzales at Kakai Bautista, ang hindi sumang-ayon sa isang discriminatory ad ng isang whitening brand na ‘tila ang ipinaparating na mensahe ay nakakahiya ang kutis morena o kutis Pinoy. Ayon sa komedyanteng si Kakai, hindi makatarungan ang pagpapakalat ng ganoong pag-iisip, base sa sunud-sunod niyang Instagram Story noong Sabado ng gabi, April 13.

Bianca

May screenshot si Kakai ng Facebook ad ng GlutaMax whitening brand.

Dito ay makikita ang larawan kung saan pinagtapat ang dalawang female models na kutis morena at mestiza.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Ang sabi sa copy ng ad, “Maputi lang, pinaupo na sa bus? Unfair ‘di ba?”

May nakasaad din ditong statistical data na “3 in 5 Filipinos believe that people with fairer skin receive better treatment from others”.

Base raw ito sa isang “poll by Opeepl.”

May caption din itong ang nasabing brand ang sagot upang magkaroon ng “fair advantage” ang mga babaeng morena.

Mariin itong kinontra ni Kakai.

Sabi ni Kakai na gumamit ng malalaking titik upang bigyang-diin ang kanyang pahayag: “NO hindi lang maputi ang napapansin, Ang LAGING MAGANDA! Ang nadidiscriminate. Wag tayo ganu’n GluthaMax. Kayumanggi ang Pinoy. At MAGANDA ang KAYUMANGGI! ANG MORENA! ESPESYAL DIN.”

Inihayag din ni Kakai na kahit sino ay posibleng maging biktima ng diskriminasyon.

“Lahat ng kababaihan, kasarian, PWEDENG MA-DISCRIMINATE. P’wede maapi. P’wedeng masaktan. KAHIT MAPUTI. AT GUMAGAMIT NG PAMPAPUTI.”

Umapela si Kakai na sana ay maging sensitibo ang pamunuan ng whitening brand pagdating sa ipinapakalat nitong mensahe sa consumers.

“At BAWAT babae ay may natatanging GANDA!!!!

“Mag-commute man o HINDI. Kahit MORENA, kayang bumili ng sariling BUS!!!!”

Hindi man tahasang pinangalanan ni Bianca Gonzalez ang nasabing produkto, halatang ito rin ang whitening brand na pinatatamaan ng Kapamilya TV host sa kanyang tweets noong April 13.

Hindi raw tama na ipakalat ng isang whitening brand na kaawa-awa ang mga Pinay na morena o kayumanggi ang kutis.

“Just a note from a Filipina with brown skin since birth: There is no problem AT ALL sa mga gustong magpaputi. The problem is when whitening brands make us look ‘kaawa awa’ dahil lang maitim kami. Kasi, hindi po kami kawawa, maganda ang kulay namin.”

Binanggit din ni Bianca ang mga iniidolo niya sa showbiz na may kutis-kayumanggi.

“I grew up loving my brown skin because of beautiful women like Angel Aquino and Tweetie de Leon who proudly flaunted their brown skin. I looked up to them. I did not need to compare myself to fair skinned girls. It need not be a ‘battle’ of maitim versus maputi.”

Ayon pa sa host, ang dalawa niyang anak na babae ay parehong kutis kayumanggi at palalakihin daw niya ang mga ito na proud sa kanilang balat.

“I now have two daughters, and both of them are morena. When they grow up, choice nila kung magpapa-tan or magpapaputi sila. But what I will teach them is that being brown is not something ‘shameful’, and being brown is not something that makes them less beautiful than others.”

Pati ang mga aktor na sina Ping Medina at Will Devaughn ay hindi nagustuhan ang discriminatory ad ng nasabing whitening brand.

Inalmahan din nila ang billboard na pinagtatapat ang babaeng morena sa isa pang babae na maputi ang balat.

Halos pareho ito ng sentimiyento ng mga direktor na sina Joey Reyes at Mark Meily.

Kinuwestiyon din nila kung paano nakalusot sa Ad Standards Council ang billboard ads ng nasabing produkto.

Samantala, naglabas ang pamunuan ng Glutamax ng official statement upang sagutin ang matinding pambabatikos sa bago nilang ad campaign para sa iba’t iba nilang whitening products.

As of press time, ang Facebook post na iyon ay hindi na makikita sa official Facebook page ng produkto, pero ilang netizens ang nakakuha ng screenshot nito.

Sa halip daw na humingi ng dispensa ang whitening brand, ‘tila nanindigan pa ito sa pinagbasehan ng kanilang ad.

-ADOR V. SALUTA