INAMIN ng kampo ng Otso Diretso na mahirap ang pinagdaraanan nila habang nalalapit ang halalan. Ayon kay Sen. Francis Pangilinan, Pangulo ng Liberal Party at campaign manager ng Otso Diretso, ang pangunahing problema nila ay kung paano maipakikila sa taumbayan ang kanilang mga kandidato.
Sa realidad, aniya, magagawa lang ito sa pamamagitan ng napakagastos na mga anunsiyo sa telebisyon na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso na wala ang grupo nila.
Ang Otso Diretso ay binubuo nina Sen. Bam Aquino, dating Interior Sec. Mar Roxas, dating law dean Chel Diokno, peace advocate Samira Gutoc, election lawyer Romy Macalintal, dating Cong. Erin Tañada, Magdalo Rep. Gary Alejano at dating Solicitor General Florin Hilbay.
“Pero, kung ano ang wala sa amin na bilyong salapi at makinarya, humuhugot naman kami ng suporta sa milyun-milyong concerned citizen sa buong kapuluan na nagkukusang tumulong dahil naniniwala sila sa isang malayang Senado na binubuo ng mga lalaki at babae na tapat at may integridad,” wika ni Pangilinan.
Pero sa aking pakiwari, gumagaan ang laban ng mga nasa oposisyon, hindi lamang ng mga nasa Otso Diretso, kundi maging ng mga kandidatong nasa labas ng grupo, tulad ni Neri Colmenares ng Bayan Muna. Ang puwersa nila ay nakasandig sa lakas ng taumbayan, dahil ang isinusulong nila ay ang laban ng bayan.
Samantalang ang mga kandidato ng PDP-Laban at Hugpong ng Pagbabago ay kumukuha ng kanilang lakas sa pagtataguyod sa kanila ni Pangulo Duterte, na ang oras sa pagtatalumpati ay nauubos sa bawat campaign meeting na isinagawa nila.
Hindi ako naniniwala sa sinabi ni Cong. Edgar Erice, na siyang namamahala ng kampanya ni Roxas, na iniiwasan nitong atakehin si Duterte dahil popular pa ito.
“Sumasang-ayon ako sa halos lahat ng mga kandidato ng Otso Diretso hinggil sa puna nila sa Pangulo, pero ipinapakita ng mga survey na ang lahat ng mga umaatake sa kanya ay bagsak sa rating. Kung gaano katindi ang pagbatikos nila sa kanya, ganoon katindi ang pagbagsak nila. Tingnan ninyo si Alejano, sikat siya sa pagsasampa niya ng impeachment laban sa Pangulo at pagbatikos niya rito, pero siya ang isa sa mga nasa pinakamababang numero,” sabi ni Erice.
Totoo, tumaas sa +66 ang approval rating ng Pangulo, ayon sa Pulse Asia survey. Pero para sa akin, wala itong laman, ampaw ito.
Kung totoo na malakas ka sa taumbayan, batay sa sinasabi ng survey, bakit natatakot ka nang magsalita sa harap nila? May naiulat na apat na campaign meeting na ng PDP-Laban at Hugpong na nagtalumpati ang Pangulo na nakasuot ng bullet-proof vest at nakatago sa likod ng bullet-proof glass. Hindi rin sinipot ng Pangulo ang campaign meeting nila sa Marawi na ipinagmalaki niyang nalinis na sa terorista kahit ito ay pinamumugaran ng mga sundalo at sakop ng martial law.
Kung malakas ka sa taumbayan, bakit hahayaan mong maghalalan sa Mindanao, na bukod sa nasa ilalim ng martial law ay nasa Comelec control pa? Bakit sa panahon ng halalan, maglalabas ka ng narco-list ng mga pulitiko na karamihan ay kumakandidato? Eh listahan ito ng mga napapatay dahil sa umano ay sangkot sa droga. Eh ‘di tinatakot mo sila.
Sa totoo lang, ang darating na halalan, na nilalahukan ng matatapang na mga kandidato tulad nina Bam Aquino, Gary Alejano, Chel Diokno, Romy Macalintal, Samira Gutoc, Florin Hilbay, Erin Tañada, Neri Colmenares at iba pang nagtataguyod ng laban ng bayan, ay siyang nag-consolidate at nagpalakas sa mga mamamayang biktima ng kahirapan, kagutuman, kalupitan at kaapihan.
Sinira nito at ginawang ampaw ang survey hinggil sa popularidad ng Pangulo.
-Ric Valmonte