SINABI ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na karapat-dapat lang na tumanggap ng compensation o bayad ang mga biktima ng martial law noong panahon ni ex-Pres. Ferdinand E. Marcos bagamat parang salungat dito ang Office of Solicitor General sa ilalim ni SolGen. Jose Calida sapagkat “lugi” raw dito ang gobyerno.
Kung ganito ang paninindigan at paniniwala mo Spox Panelo, eh paano ang naunang mga pahayag ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na wala raw namang katibayan na nagnakaw nga o nagkamal ng bilyun-bilyong dolyar o piso si Marcos noong siya ang presidente?
Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo, makatuwiran lang na tumanggap ng compensation o kabayaran ang libu-libong biktima ng kalupitan ng martial law na idineklara ng diktador noong 1972 na dumanas ng pagpapahirap, pagmamaltrato at iba’t ibang uri ng torture habang nakabilanggo.
Badya ni Panelo: “Sigurado ako na may mga biktima sa mga kritikal na panahon. Tiyak na may mga pag-abuso na nagawa sa anumang rehimen, na hindi alam ng governor o ng pangulo ang mga ito.”
Maging si dating Defense Minister, martial law administrator at ex-Sen. Juan Ponce Enrile, ay minsang nagsabi sa tete-a-tete o harapang interview nila ni ex-Sen. Bongbong Marcos na walang naganap na pang-aabuso, pagpapahirap at pag-aresto noong martial law. Pero nang umalma at lumantad ang mga survivor at pamilya ng mga biktima na ikinulong, pinahirapan, kinuryente ang ari, ay biglang natameme ang beteranong senador. Lumabas ang mga nabubuhay na biktima ng torture at kalapastanganan ng martial law, tulad nina ex- CHR chairperson Etta Rosales (kinuryente at inabuso raw siya), mga anak ni ex-Sen. Jose W. Diokno, at mga mamamayan na dumanas ng pagpapahirap noong martial law.
Sinabi ni Panelo na hindi raw niya nakakausap si SolGen. Calida tungkol sa opinyon nito sa isyu ng kumpensasyon na dapat ibigay sa mga biktima ng ML. “Hindi ko eksaktong alam ang mga dahilan niya sa pagkontra. Dapat malaman ko muna ito bago ako gumawa ng isang intelligent response,” sambit ng Malacañang spokesman.
May $2-billion class suit ang inihain laban sa Marcos Family sa Hawaii. Iniutos ng New York Federal judge noong Martes na bayaran ang mga biktima ng $13.75 million o tig-$1,500 bawat biktima na tinatayang may 6,500 lahat. Ang utos ay ibinaba ni New York District Court judge Katherine Polk Failla na dapat ipamahagi sa mga biktima ang naturang pondo. Actually, may 13,000 biktima ang ML, pero hindi naging kuwalipikado ang iba dahil kulang ng papeles o kaya’y nahuli sa pag-a-apply.
oOo
Naniniwala pa ba ang mga Pinoy sa survey-survey? Nagpalabas ng mga survey ang Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS). Sa Pulse Asia survey nitong Marso, biglang dumausdos sa Magic 12 sina Sen. Bam Aquino at ex-DILG Sec. Mar Roxas ng OTSO DIRETSO. Bigla naman ang pag-angat sa puwesto nina Bong Go, Bato dela Rosa at Francis Tolentino.
Naghihinala si Vice Pres. Leni Robredo na may pagsisikap na tanggalin sa Magic 12 sina Aquino at Roxas at iangat ang mga kandidato ng administrasyon. May nagtatanong tuloy kung tapat ang survey ng Pulse Asia, o ito ay kinomisyon ng mga tao na nais maitsa-puwera ang Otso Diretso candidates at iangat naman ang mga kandidato ng Hugpong ng Pagbabago o ng PDP-Laban?
O kung hindi naman, ay natatatakot na ilahad ang tunay na survey result sapagkat baka maging target ng panggigipit ng administrasyon kung ilalagay na maraming kasama sa Magic 12 ang Otso Diretso.
Sa panig ng SWS survey, lumilitaw na mataas pa rin ang satisfaction rating ni PRRD sa kabila ng mga pagbatikos sa kanya hinggil sa extrajudicial killings, pagkampi sa China sa pananakop sa West Philippine Sea, pagkakaroon ng kurapsiyon, patayan sa Mindanao, pagkakasangkot ng mga pulis sa illegal drugs, carnapping, holdapan at iba pa. In fairness, sinisikap naman ng ating Pangulo na paglingkuran ang ating bayan, sugpuin ang illegal drugs, at bantaan ang China na huwag galawin ang Pag-asa Island dahil magpapadala siya ng “suicide troops” doon upang ipagtanggol ang isla.
Nagtatanong ang mga netizen at ang taumbayan: “Tama kaya ang kanilang surveys (SWS at Pulse Asia)? Sino ba ang nagkomisyon o nagbayad sa ginawang surveys? Natatakot kaya silang ilathala ang tunay na survey results dahil baka magalit ang administrasyon at suriin ang kanilang mga aktibidad, ang kanilang kumpanya, kung nagbabayad ba sila ng tamang buwis sa BIR, at ang kanilang pananalapi?
-Bert de Guzman