Nakialam na ang Philippine National Police sa kontrobersyal na apat na viral videos na nagpaparatang sa tatlong miyembro ng pamilya Duterte na nakinabang umano sa illegal drug trade sa bansa.
Ito ay nang iutos ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang paglulunsad ng imbestigasyon sa usapin upang matukoy ang nasa likod nito.
Paglilinaw ni Albayalde, hindi sila inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte o kaya’y nakatanggap ng reklamo mula sa apat na taong binanggit sa ‘Ang Totoong Narcolist’ videos, upang gawin ang naturang hakbang.
"We will do the initiative to identify this person," aniya.
Mapapanood aniya sa apat na video ang isang lalaking nagpakilalang si “Bikoy” kung saan pinaratangang sina dating Davao City Mayor at ngayo’y congressional candidate Paolo Duterte, partner ng pangulo na si Honeylett Avancena, ang asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte na si Mans Carpio at dating Special Assistant to the President at ngayo’y senatorial bet Christopher 'Bong' Go, na tumatanggap ng multi-million na drug payola.
Ibinisto rin “Bikoy” na may mga tattoo sa likod sina Paolo Duterte at Go kung saan nakatatak ang code ng drug syndicate na kinaaaniban ng mga ito, dahil dati aniya siyang kaanib ng drug syndicate sa bansa.
Nauna nang kumasa si Go sa hamon ni “Bikoy” na ipapakita nito sa publiko ang kanyang likod upang pasinungalingan ang alegasyon.
Paliwanag naman ni Albayalde, si “Bikoy” at iba pang kasangkot sa pagpapakalat ng video ay mananagot sa kasong cyberlibel.
"If he has evidence against those he is accusing, he should bring out the evidence and we can even help him file a case against the persons he is accusing of," sabi pa ni Albayalde.
Pangungunahan aniya ng Anti-Cybercrime Group ang imbestigasyon.
-Aaron Recuenco