NAGDAOS ang Pilipinas at China ng ikaapat na pagpupulong para sa Bilateral Consultation Mechanism (BCM) hinggil sa South China Sea, nitong nagdaang Abril 2-3. Napagkasunduan ang mekanismong ito para sa maayos na diyalogo, nina Pangulong Duterte at China President Xi Jinping nang bumisita sa China ang ating Pangulo noong Oktubre 2016. Mayo 2017, nang unang idaos ang BCM meeting na mula noon ay regular nang ginagawa dalawang beses sa isang taon.
Ayon Kay Ambassador Jose Santiago “Chito” Sta. Romana, idinaraos ang pagpupulong “in the Spirit of friendly dialogue,” kung saan nagkakasundo ang magkabilang panig na himayin ang “areas of cooperation” para sa kapakanan ng isa’t isa. Ayon sa ambassador, tinalakay sa huling pagpupulong ang sigalot hinggil sa isla ng Pag-asa sa South China Sea, sa kanlurang bahagi ng Palawan.
Naghain ang gobyerno ng Pilipinas ng diplomatikong protesta sa pamahalaan ng China kaugnay ng pamamalagi ng maraming barkong Chinese sa paligid ng Pag-asa. Iniulat ng militar ng Pilipinas ang 87 pinakamataas na bilang ng sasakyang pandagat ng China na pumapalibot sa isla noong Pebrero 10, ang araw na dinala ng militar ang mga materyales na pangkonstruksiyon para ayusin ng isang rampa sa runway ng isla.
Sinabi ni Ambassador Sta. Romana na ang mga pagpupulong ng BCM ay laging makabuluhan, kung saan inihahayag ng magkabilang panig ang kanilang pambansang interes. Sa huling pulong, aniya, ibinahagi ng China ang panuntunan na kanilang ipinapatupad sa kanilang puwersang pandagat. Ngunit ipinanatili ng magkabilang panig ang “spirit of friendly discussion,” diin ni Sta. Romana.
Dagdag pa niya, nagpahayag ng pag-asa ang dalawang bansa para sa maagang konklusyon, base sa napagkasunduan ng mga naging pagpupulong sa Code of Conduct sa South China Sea. Sa pagpapatupad ng Code of Conduct, lahat ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga nagtatalong mga bansa sa South China Sea ay mabilis na mareresolba.
Ang naging pulong ng BCM noong Abril 2-3 ay ikaapat na mula nang magsimula ito noong Mayo 2017. Ang susunod na pulong ay sa kalaghatian ng taong ito, ayon sa ambassador. “These meetings are something we look forward to an issues build up in the interim between meetings and find relief and resolution in the next discussion and meeting of minds.” Sa pagtakbo ng proseso, makasisiguro ang Asian at ang rehiyon ng ASEAN sa isang panahon ng kapayapaan at kasaganahan,” aniya.