SIGURADO ako na marami ang agad na nanlisik ang mga mata at may kasama pang matunog na mura sa mga nakabasa ng artikulong nagsasabi na sa 15 na pinakamabango at pinakamalinis na siyudad sa South East Asia ay 11 ang galing sa Pilipinas, anim dito ay nasa Metro Manila, ngunit kataka-takang ‘di man lamang nabanggit ang Marikina.

Ang nakaiintriga pa nga rito ay nasa ikawalo sa listahan ang siyudad na aking sinilangan, ang Maynila -- na ‘matay ko mang isipin, simula nang upuan bilang alkalde ng artistang iniidolo ng masang Pilipino, si Mayor Joseph “Erap” Estrada, ay unti-unting nangamoy kubeta lalo na sa mga natatanging pangturismo at komersiyong lugar.

‘Wag kayong mag-isip na may kulay pulitika ang sinasabi kong ito dahil mahal ko ang Maynila, lalo na sa distrito ng Tundo kung saan ako ipinanganak, lumaki, nagbinata at nagkapamilya – bago ko naramdaman na wari ko’y sumisikip at bumabaho ang lugar na napapabayaan ng mga pulitikong nahalal dahil sa kasikatan at tamis ng kanilang mga dila.

Madalas kasi akong maglakad sa mga pangunahing distrito sa Maynila at nakikita ko, ‘di lang naamoy ang nagiging kabulukan nito, kumpara sa Marikina – nakapagtatakang ‘di man lang nabanggit sa listahang ito – na binansagan pang “The healthiest and livable cities within the Asia-Pacific, a Hall of Famer for its cleanest and greenest city”.

Kaya ‘di maalis sa aking isipan kung ano ang tunay na naging basehan ng report na ito na lumabas sa mga international news agency nito lamang nakaraang linggo. Nagpunta kaya talaga sila sa Maynila at nakita nila ang tunay na kalagayan nito?

Base kasi sa report na ito ng Switzerland-based IQ Air Visual and Greenpeace’s 2018 Air Quality Report, ang sinukat nito ay ang “amount of fine particulate matter known as PM2.5 (μg/m³)” sa hangin sa kapaligiran sa 73 siyudad sa mga bansa sa rehiyon ng South East Asia.

Sa simpleng paliwanag ng kaibigan kong taxi driver, ito raw ‘yung nagiging kulay ng panyong puti kapag ipinasok sa ilong upang linisin ito, lalo na kapag naipit ka sa trapik sa isang lugar – ang “pollution” sa kapaligiran.

Ito ang maganda sa report, ang nanguna bilang pinakamabango at malinis ay Calamba (9.3 μg/m³), isang siyudad sa Laguna na humigit kumulang ay 50 kilometro ang layo mula sa Maynila. Mahirap itong pasubalian dahil talaga namang napakalinis ng naturang lugar.

Ang Valenzuela City (9.9 μg/m³) at Carmona City (10.9 μg/m³) ang pangalawa at ikatlo sa listahan.

Ang iba pang nakasama ay Parañaque (12.2 μg/m³), Davao (12.2 μg/m³), Makati (13.7 μg/m³), Manila (14.3 μg/m³), Mandaluyong (14.5 μg/m³), Balanga (16.1 μg/m³), Quezon City (17.5 μg/m³) at Las Piñas (17.9 μg/m³). Astig ng Pilipinas ‘di ba?

Ayon sa report: “The Philippines ranked 48th on the list with an average of 14.6 μg/m³ of PM2.5, classified as “moderate.” The country fared better than its Southeast Asia counterparts such as Singapore, Cambodia, Thailand, Vietnam and Indonesia.”

Bangladesh ang pinaka-polluted (97.1 μg/m³), samantalang ang Iceland ang pinakamalinis (5 μg/m³). ‘Yun lang sa listahang ito ng “most polluted cities” ay nakasama ang Meycauyan (32.4 μg/m³) at Caloocan (31.4 μg/m³) -- na sa aking palagay ay ‘di naman malayo sa katotohanan..

“Air pollution steals our livelihoods and our futures, but we can change that. In addition to human lives lost, there’s an estimated global cost of 225 billion dollars in lost labor and trillions in medical costs. This has enormous impacts, on our health and on our wallets,” paalala ng respetadong Greenpeace Southeast Asia.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.