“MAGKAKALAT ako ng mga sundalo na may suicide mission kapag naghimasok ang puwersa ng China sa Isla ng Pagasa (Thitu),” sabi ni Pangulong Duterte. Sinabi niya ito makaraang ireport sa kanya ng militar na may 275 barko ang China malapit na sa Pagasa. Sa pagitan ng mga buwan ng Enero at Marso, namonitor ang mga ito ng militar na pinaniwalaang bahagi ng maritime militia ng China. Eh ang Pagasa ang pinakamalaki sa siyam na Isla na okupado ng mga Pilipino sa South China Sea. Tinawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ginawang ito ng China na ilegal at maliwanag na paglabag sa soberenya ng Pilipnas. Nitong nakaraang Miyerkules, sinabi naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ang mga barko ng China na nakikita malapit sa Kota, isa pang islang okupado ng Pilinas, ay walang karapatang manatili roon. Paglabag ito, aniya, sa soberenya ng bansa kapag ang mga ito ay patuloy na nasa ating teritoryo.
Pero nitong Huwebes, sa press conference sa Beijing, binalewala ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Lu Kan ang pag-angkin ng Pilipinas sa mga bahagi ng Spratly sa South China Sea. “Isinaalang-alang namin ang mga sinabi ng mga opisyal ng Pilipinas. Ang Nansha (Spratly) Islands ay nasa loob ng teritoryo ng China base sa puntong legal at kasaysayan. Sa loob ng libu-libong taon, ang mga mangingisdang Intsik ay nangingisda sa karagatan ng South China Sea. Ang mga karapatang ito ay hindi dapat hinahamon,” wika pa niya.
Pero, sa tweet ni DFA Sec. Locsin, binanggit niya ang arbitral ruling sa pag-aangkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea at ang paglusob ng China rito. “Ang aking posisyon ay ito ay atin. At kinuha nila ito. Nagpasiya na ang pinakamataas na Korte sa mundo. Period. Ngayon, ang problema ay paano natin kukunin ito. Para sa akin, hindi ako natatakot sa giyera,” dagdag pa niya.
Ngayon, sinasandigan na ni Locsin ang arbitral ruling sa nangyayari sa patuloy na pag-okupa ng China sa teritoryong napanalunan ng Pilipinas. Eh ano pa nga ang magagawa natin kundi ang gamitin ang desisyon ng International Arbitration Court. Kung noong una pa lang ay tinupad na ni Pangulong Duterte ang kanyang pangakong ipaglalaban ang karapatan ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo, maaaring hindi nailayo ng China ang nagawa na niya ngayon. Ano na ang kanyang gagawin gayong maliwanag na kaya sinasakop na ng China ang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas, ayon sa arbitral ruling, ay kanya raw ito. Ang malaking problema ngayon ng ating bansa ay dinadaan ng China ang pagbibigay-katuparan sa kanyang layuning itaboy ang Pilipinas sa pamamagitan ng pambubully. Dinadaan niya sa laki, tapang at lakas. Kung totoo kasing batay sa legal at kasaysayan, na siya niya ngayong ipinagdidiinang katwiran sa pag-angkin sa buong Isla ng Spratly, bakit hindi niya nilabanan ang Pilipinas sa International Arbitration Court?
Kung mayroong dapat sisihin si Sec. Locsin sa problema niya ngayon kung paano kukunin ang sinakop ng China, walang iba kundi ang kanyang amo. Pinili ng kanyang amo ang mainit na pakikipagkaibigan sa China para sa tulong at puhunan mula sa China kaysa arbitral ruling. Sabihin niya rin sa kanyang amo na hindi siya natatakot sa digmaan.
-Ric Valmonte