TANDISANG sinabi ng Malacañang na ang presensiya at pag-alialigid ng Chinese vessels sa Pag-asa Island ay maituturing na isang “assault” o pagsalakay sa soberanya ng Pilipinas. Ang naturang isla ay noon pang 1974 okupado ng ating bansa, may mga kawal doon at kababayan tayong naninirahan. Ito ay munisipyo ng Palawan mula pa sa pamamahala ni ex-Pres. Ferdinand Marcos.

Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, bagamat nananatiling palakaibigan ang PH sa China sa ugnayang-kalakalan, ipagtatanggol nito ang soberanya kapag ang bansa ay pininsala at sinalakay. “Kapag sila (China) ay nagpatuloy sa pananatili sa ating teritoryo, ito ay isang assault sa ating sovereignty,” may bagsik ang pahayag ni Spox Panelo.

Tunay, medyo matapang na ang mga pahayag ngayon ni Panelo sa isyu ng Pag-asa Island. Tiyak na may “basbas” ito ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na nagbanta rin sa nasyon ni Pres. Xi Jinping na huwag galawin o pakialaman ang isla dahil kapag ito ay ginalaw, handa siyang magpadala ng “suicide troops” sa lugar para magtanggol. Aba, matapang na ang aming Pangulo.

Dagdag pa ng fashionistang tagapagsalita ni PRRD: “The Chinese have no business there.” Mr. Panelo, sana ay hindi isang joke o hyperbole mo lang ito. May news report hinggil sa presensiya ng Chinese vessels sa Kota Island at Panatag (Scarborough) Shoal noon pang Marso 28. Kaya ba nating itaboy ang mga bapor ng China?

Nauna rito, inireport ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mahigit 200 barko ng China ang pinaniniwalaang militia crafts -- na kunwa’y fishing boats -- ang dumagsa sa Pag-Asa Island na saklaw ng Kalayaan Island Group (KIA) mula pa noong Enero, 2019.

Ayon kay Panelo, walang karapatan ang Chinese Coast Guards at mga barko nila na manatili roon. Sa Camp Aguinaldo, sinabi ng Defense Department spokesman Arsenio Andolong na handa ang militaryna ipagtanggol ang soberanya ng bansa kapag ito’y sinalakay. Mr. Andolong, eh paano ang laging sinasambit ng ating Pangulo na hindi natin kayang makipaggiyera sa dambuhala dahil mauubos lang ang ating mga kawal at sundalo?

Nakatakdang magtungo si PRRD sa China ngayong buwan. Tutuloy pa kaya siya sa harap ng ganitong situwasyon? Nang tanungin si Spox Panelo kung tatalakayin ni PDu30 kay Pres. Xi ang tungkol sa 2016 sa arbitral ruling na nagbabalewala sa claims ng China na kanila ang halos buong South China Sea, kabilang ang West philippine Sea, bahala raw ang Pangulo sa bagay na ito.

Siyanga pala, ang mga barko ng US at PH ay nagsasagawa ng pagsasanay malapit sa Panatag Shoal. Ang nakita ng mga mangingisda na ‘di matukoy na aircraft carrier, ay ang USS Wasps, isang helicopter carrier ng US Marines, na kalahok sa magkasanib na Balikatan Exercises.

oOo

Ipinakita ni senatorial candidate Bong Go ang kanyang likod para patotohanan na wala siyang dragon tattoo na nag-uugnay sa kanya sa sindikato ng droga ng international Dragon syndicate. Malinis ang kanyang likod, maputi, walang keloid, pero merong parang may ringworm o bilog-bilog. Ayaw naman hanggang ngayong ipakita ni ex-Davao City Vice Mayor Paolo “Pulong” Duterte ang kanyang likod na ayon kay Sen. Antonio Trillanes IV ay may dragon tattoo na nag-uugnay sa kanya sa international drug syndicate.

Komento ng mga netizen, kung sila raw si Pulong, maghuhubad sila para ipakita ang likod na walang dragon tattoo upang patunayan sa mga Pinoy na wala siyang kinalaman sa droga at mali ang bintang ni Trillanes na matinding kritiko ni PRRD.

-Bert de Guzman