Laro ngayon
(Araneta Coliseum)
7:00 n.g. -- San Miguel Beer vs. Phoenix Pulse
Makamit ang 2-0 bentahe sa serye ang tatangkain ng defending champion San Miguel Beer sa pagtutuos nilang muli ngayon ng Phoenix Pulse sa Game 2 ng kanilang best-of-7 semifinal series sa 2019 PBA Philippine Cup.
Magsisimula ang kanilang ikalawang tapatan sa semifinals ganap na 7:00 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Sa kabila ng naiposteng 100-88 na panalo noong Game 1, naniniwala ang Beermen na sila pa rin ang underdogs sa laban kontra Fuel Masters.
“Phoenix is a very tough opponent.They’re the number one seed,” pahayag ni Alex Cabagnot na syang nanguna sa naunang panalo ng Beermen noong Game 1.
“So in my opinion, we’re still the underdog.”
Dahil dito, inaasahan na nila ang gagawing pagbawi ng Fuel Masters.
“I’m glad we played well today, pero today is gonna be different from Monday.So every day is different, so hopefully,we can just watch film and try to get some pointers and insights so we could capitalize on certain situations,” dagdag pa nito pagkaraang magwagi noong Sabado ng gabi.
Ngunit kung babawi ang Phoenix, babawi din ang reigning 5 time MVP na si Junemar Fajardo na hindi nagawang tumapos sa laro pagkaraang mag fouled out mahigit tatlong minuto pa ang nalalabi.
“Good thing wala namang seryosong nangyari.Expected na kasing mahirap kadi plsyogfs na.Bawi na lang sa susunod.Ang mahalaga nanalo kami,” ani Fajardo na tinutukoy ang “freak accident” na pagbagsak nya noong Game 1 sa pag-baba nya mula sa isang lay-up kontra kay Calvin Abueva.
Tumapos lamang si Fajardo na may tig-9 na puntos at rebounds noong Game 1.
-Marivic Awitan