Patay ang drug suspect, na itinuturong pumatay sa dalagitang napagkamalan niyang may atraso sa kanya, makaraang manlaban umano habang inaaresto sa buy-bust operation sa Tondo, Maynila, kaninang madaling araw.

MISTAKEN

Kinilala ni Manila Police District (MPD) director B/Gen. Vicente Danao ang napatay na si Jed Ayson, 46, ng Building 24, Permanent Housing, Balut.

Nabatid na dakong 1:30 ng umaga ngayong Linggo nang maglunsad ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng MPD-Raxabago Police Station 1 (PS-1) ng buy-bust operation laban sa suspek sa Building 18 ng Permanent Housing.

Eleksyon

Camille Villar, tumatanggap ng malawak na suporta sa Mindanao matapos ang endorso ni VP Sara Duterte

Gayunman, matapos na magpositibo ang transaksiyon ay nanlaban umano ang suspek habang inaaresto, kaya binaril at napatay siya ng mga tauhan ng Special Weapon and Tactics (SWAT).

Ayon kay MPD-PS-1 chief, Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo, nagpaputok umano ng baril ang suspek nang tangkang aarestuhin kaya napilitang gumanti ng putok ang mga pulis.

“Nang tinatangka natin siyang hulihin, pinaputukan ang ating SWAT. Na-hold kami nang ilang minuto dahil lumaban talaga. Buti na lang may SWAT na sumalba,” ani Magdaluyo.

Aniya, natunton nila si Ayson makaraang ituro ng isang lalaki na nasa CCTV footage ng katabing barangay na bumaril at nakapatay kay Ronalyn Jamon, 17, ng H. Lopez Boulevard, Tondo, sa labas ng bahay nito, dakong 3:45 ng umaga nitong Abril 7.

Ayon sa pulisya, napagkamalan lang ni Ayson si Jamon, na kasing edad at kasing tangkad ng umiskor sa kanya ng shabu pero hindi nagbayad.

Narekober umano ng mga awtoridad mula sa suspek ang isang .380 caliber Browning short na may limang bala, isang spare magazine na may pitong bala, pitong bala ng .9mm caliber pistol, basyo ng bala, at isang deformed slug.

Nakumpiska rin umano ng mga pulis mula sa bulsa at sapatos ng suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu, bukod pa sa limang pakete ng umano’y shabu na nakalagay naman sa pink pouch na dala nito.

-Mary Ann Santiago