CAMP DANGWA, Benguet – Inareto ng pulisya ang isang matadero kaugnay ng umano’y pamamugot nito sa katrabaho sa Bondoc, Mt. Province, kamakailan.

PUGOT

Sa pahayag ng Police Regional Office-Cordillera, kinilala ang suspek na si Kevin Ongaron Changat, 25, taga-Pattig, Bontoc Ili, Bontoc, Mountain Province na dinampot ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Mobile Force Company at Bontoc Municipal Police sa barung-barong nito sa Sitio Pagturao, Bondoc, nitong Abril 9.

Si Changat ay itinuturong suspek sa pamamaslang kay Wilfred Bandao Aquino, 31, na isa ring matadero, taga-Barangay Masoc, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Metro

Ama ng estudyanteng tumalon sa LRT, 'di magsasampa ng kaso sa driver

Dinakip si Changat kaugnay ng pahayag ng testigong si Larry Filog Chugwawi, 35, trabahador, ng Fatayan, Bontoc Ili, na sinamahan niya ang suspek at ang biktima sa inuman sa isang slaughter house sa Pagturao, Bontoc Ili, nitong Abril 8, dakong 11:00 ng gabi.

Matapos aniya ang ilang oras ay iniwan na nito ang dalawa sa lugar.

Kinabukasan ng madaling araw, nadiskubre ang bangkay ni Aquino na putol ang ulo sa gilid ng kalsada sa bisinidad ng pinag-inuman ng mga ito.

Kaagad na itinuring na suspek si Changat sa krimen na natunton sa kanyang pinagtataguan kung saan nakitang duguan pa umano ang mga kamay nito.

Ang suspek na nasa kustodiya na ng pulisya ay nahaharap sa kasong murder.

-Rizaldy Comanda