Dinakip nitong Sabado ang isang ginang, na umano’y pinayagan ang kanyang kinakasama na halayin ang sarili niyang anak, isang araw makaraang maaresto ang kanyang live-in partner, sa Pasig City.

Sa report na isinumite kay Eastern Police District (EPD) Director Brig. Gen. Christopher Tambungan, kinilala ang lalaking suspek na si Antonio Briza, 47, mekaniko, habang ang kinakasama nito—at ina ng biktima—ay isang 40-anyos na housewife.
Inaresto ng mga grupo mula sa District Intelligence and Special Operations Units ang ginang bandang 6:45 ng umaga nitong Sabado, sa Mercedes Avenue sa Barangay San Miguel, Pasig.
Bandang 7:30 ng gabi nitong Biyernes naman nang maaresto si Briza sa loob ng bahay nito sa Bgy. San Miguel.
Nabatid na 12 anyos pa lang ang biktima nang simulan umano itong halayin ni Briza, nang may pahintulot umano ng ina ng bata, ayon sa police report.
Inakala umano ng bata na isang beses lang gagawin ng amain ang kahalayan, pero naulit pa ito nang maraming beses hanggang sa umabot sa 17 anyos ang biktima.
Kamakailan, nagpasya na ang biktima na magpasaklolo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang makapaghain ng reklamo laban sa sariling ina at amain, ayon sa report.
Pebrero 3, 2019 nang nagpalabas ng arrest warrant ang Pasig Regional Trial Court Branch 159 laban sa magkinakasama para sa rape na walang inirekomendang piyansa.
Nakapiit na ang mga suspek sa Pasig City Police habang nasa DSWD naman tumutuloy ang biktima.
-Jhon Aldrin Casinas