“TUNGKOL sa sinasabing kanyang kayamanan, inamin naman ng grupo na ang mga ito ay kanyang idineklara. Ang ipinagbabawal ay kapag hindi mo ito ihayag. Pero, idineklara naman ng Pangulo ang mga ito, kaya ano itong hullabaloo?” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Kasi, base sa Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) na isinumite ni Pangulong Duterte, iyong kanyang ari-arian ay tumaas ng 195 porsiyento mula P9.69 milyon noong 2007 hanggang P28.54 milyon noong 2017, ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Kay Paolo Duterte naman, ayon sa report, tumaas ng 233 porsiyento, mula P8.34 milyon hanggang P27.74 milyon, samantalang kay Sara Duterte, tumaas ng 518 porsiyento mula P7.25 milyon hanggang P44.83 milyon.
Ang pinatutsadahan ni Spokesperson Panelo sa kanyang tinuran ay si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Bilang reaksyon kasi sa sinabi ng Pangulo na walang pakialam kahit sino sa kanyang ari-arian, winika ng dating Punong Mahistrado na tungkulin ng Pangulo na ipaliwanag ang makabuluhang paglaki ng mga kinita ng kanyang pamilya.
Sa sideline ng voters’ education forum sa University of the Philippine Visayas campus kung saan siya ay naging panauhing tagapagsalita, sinabi ni Sereno na higit na kailangan ang paliwanag ni Duterte sa gitna ng mga alegasyon na ang mga miyembro ng pamilya nito ay sangkot sa droga.
Hindi lang naman isyu iyong hinihingian ng paliwanag ang Pangulo hinggil sa idineklara niyang lumobong kita sa kanyang SALN. Higit na mahalaga ay iyong mga nabusisi ng PCIJ na kanilang interes at kasunduan sa mga korporasyong hindi nila pinanatili sa kanilang SALN.
Sa pag-iimbestiga, natukoy ng PCIJ ang 23 korporasyon. Mayroon din sila, anito, na hindi nakarehistrong law firm na hindi rin nila isiniwalat sa kanilang SALN.
Ayon sa PCIJ, hindi nakarehistro sa Securities and Exchange Commission ang Carpio & Duterte Lawyers, na ang magkasosyo ay si Sara at ang kanyang asawa na si Manases Carpio. Itinatag ng mag-asawa ang kanilang law office noong 2008 sa City Times Square II, Mandaue City. Kabilang sa mga kilalang kliyente ng law office ay ang Mighty Corp., Panay Electric Co. at iyong may kaugnayan sa Bureau of Customs.
Samantalang ang Pangulo mismo ay partner ng Fabiosa Duterte Cimafranca Carcedo Law Office, pero hindi niya idineklara sa kanyang SALN ang kanyang interes dito.
“Ang aming law firm at kung ano ang nangyari dito ay wala kayong pakialam, sariling problema ko ito. Hanggang hindi pera ito ng taumbayan. Kailangan may law office kayo dahil may halalan tuwing ikatlong taon.
“Maikli ito. Paano kung matalo ka, saan ka pupunta? Walang masama kung ianunsiyo namin ang aming mga pangalan. Basta hindi namin ginagamit ang aming propesyon at hindi namin tinutulungan ang mga tao na makakuha kahit ano sa gobyerno na ilegal.
“Ako ay abogado at pinagpaguran ko ito. Sinasabi nila na hindi ako dapat magpraktis, kaya ang pangalan ko at iyong kay Sara ay hindi dapat nasa pangalan ng law office. Mga luko-loko. Sinasabi lamang namin na kami ay abogado,” paliwanag ng Pangulo.
Hindi naman kailangang humaharap ka sa husgado para masabing nagpapraktis ka ng batas. Basta ang pangalan mo ay kabilang sa mga pangalan ng bumubuo ng law firm, nagpapraktis ka. Maaaring hindi ikaw, paano iyong partner mo na dala-dala ang iyong pangalan? Hindi naman kukunin ng kliyente ang serbisyo ng law office mo dahil sa partner mo kundi dahil sa iyo, o sa iyong pangalan. Mangingiming hindi pumanig sa kliyente ng iyong law office ang sinumang didinig ng kanyang kaso.
Katarungan ang biktima dito.
-Ric Valmonte