INILUNSAD ng Department of Tourism-Cordillera Administrative Region ang kauna-unahang “Mangan Taku” (Kain Tayo) food fair, na nagtatampok sa iba’t ibang putahe mula sa anim na probinsiya sa rehiyon.
“This Mangan Taku is a Cordilleran food fair really focused on food as a value-added tourism experience because visitors always look and find for something new,” pahayag ni Jovita Ganongan, officer-in-charge ng DoT-CAR, sa pagbubukas ng programa.
Magkatuwang na itinaguyod ng DoT, Department of Agriculture at lokal na pamahalaan ang programa na nilahukan ng mga lalawigan ng Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga, at Mountain Province, na nagbitbit ng iba’t ibang pagkaing ipinagmamalaki sa kani-kanilang probinsiya.
Ibinida ng Abra ang kanilang pancit miki, masa podrida, goloria at patupat, na gawa ng mga katutubo ng probinsiya. Mayroon din silang ‘inladit’ at kornik.
Bibida rin ang “binanayan”, “pinalatan”, at “pinaltit” pizza ng Apayao, na sinamahan pa ng kanilang appetizer na “abraw”, gawa sa niyog na may sangkap na alimasag at iba pang lamang-dagat na mabentang-mabenta.
Mga smoked meat na tinawag na “kini-ing” naman ang ipinagmamalaki ng Benguet, na itinampok na tulad ng isang kini-ing siopao, kasama ng ava flour o yam ng bayan ng Tuba. Ipinakita rin nila ang kini-ing burger, kini-ing carbonara, kini-ing shanghai, at kini-ing shawarma.
Itinampok naman ng Kalinga ang kanilang “diket”, o malagkit na bigas na tinawag na “inanchila”, “kinalloray”, at “sapurado”, na inihahanda sa mga espesyal na okasyon.
“Pinunnog” o smoked longganisa naman ang sa Ifugao, habang ang Mountain Province ay nagpatikim ng kanilang “pinikpikan”, “bukku” o camote flour, at ang kanilang best-selling bugnay (fruit) wine.
“These are the best indigenous food every provinces want to offer in this Mangan Taku food fair, and to let locals and tourists experience a different kind of taste and indulgence in the City of pines, which they can also find when they visit the Cordillera provinces,” ani Ganongan.
Ayon kay Aloysius Mapayo, city tourism officer, ang programa ay paraan ng rehiyon upang umakit ng mga turista at bisita sa bansa.
“We have several tourists in Baguio and we want them to taste the food from the provinces for them to be enticed and see the other parts of the region,” ani Mapayo.
Ang Mangan Taku ay bukas hanggang sa Linggo, Abril 14.
PNA