SA panahon ng Semana Santa o Holy Week, nakaugalian na ng ating mga kababayan na umuwi sa kani-kanilang lalawigan. Ang pangunahing layunin, bukod sa makapagbakasyon, ay magkaroon sila ng panahon at pagkakataon na sama-samang gunitain ang Semana Santa. Ang mangilin, makapagnilay at makapagbalik-loob sa Diyos.
Ang iba naman ay para makapag-Via Crusis at makapag-Visita Iglesia kasama ang pamilya, lumahok sa mga tradisyong binibigyang-buhay at pagpapahalaga ang paggunita ng Semana Santa. Ang mga nabanggit na gawain ay bahagi ng buhay-ispirituwal ng ating mga kababayan. Hindi nila nalilimutan at nakaliligtaang tuparin ang mga ito tuwing sumasapit ang Mahal na Araw.
Bilamg pakikiisa sa paggunita sa Semana Santa at paglilingkod sa ating mga kababayan na magsisiuwi sa kani-kanilang lalawigan, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Rizal Engineering District 1 at Rizal Engineering District II, sa pangunguna nina District Engineer Roger Crespo at Engineer Boying Rosete, ay inilunsad ang “Lakbay Alalay” sa Rizal.
Magsisimula ito sa umaga ng Abril 17, 2019 at matatapos sa umaga ng Abril 22, 2019.
Ang station ng Rizal Engineering District 1 ay nasa kilometer 35 + 400 sa Manila East Road sas Binangonan, Rizal. May naka-duty na walo hanggang 10 tauhan ng Rizal Engineering District 1 sa lugar. Ang station naman ng Rizal Engineering District II ay nasa diversion sa Morong.
May mga service vehicle at dump truck para maikutan at ma-monitor ang kalagayan ng may 16 na road section ng unang distrito ng Rizal. Magabayan ang mga kababayan natin sa oras na magkaroon ng problema sa paglalakbay at ang mga magbi-Visita Iglesia sa iba’t ibang simbahan sa Rizal. Pati na rin ang mga kasama sa penitential walk sa gabi ng Huwebes Santo paakyat ng Antipolo, hanggang sa umaga ng Biyernes Santo.
Sa bahagi naman ni Rizal Engineer Boying Rosete, ang pinakaistasyon ay nasa kilometer 45+300 sa Sakbat Road, Morong. Sa nasabing lugar dumaraan ang mga motorista at mga kababayan natin na umuuwi sa Laguna at Quezon gayundin sa pagbalik nila sa Metro Manila sa umaga ng Easter Monday, Abril 22, 2019.
May mga tauhan din na naka-duty nang 24 oras. Naka-mponitor at naglilibot sa road section ng mga bayan sa Eastern Rizal upang tumulong sa mga motorista na magkakaaberya sa kanilang paglalakbay. May mga service vehicle dump truck at mekaniko na handang tumulong.
Nakahanda rin silang tumulong sa mga kababayan natin na magtutungo sa iba’t ibang simbahan sa eastern Rizal upang mag-Via Crusis at mag-Visita Iglesia.
Sa pagsasaliksik ng inyong lingkod, nabatid na ang mga simbahan sa eastern Rizal, na dinadagsa ng mga may panata tuwing Semana Santa, ay halos 400 taon na. Ang mga simbahan ay itinayo ng mga misyonerong paring Heswita. Ang nasabing mga simbahan ay tourist destination na, o pinupuntahan ng mga turista.
Ang Lakbay Alalay sa Rizal 2019 ay batay sa utos ni DPWH-Region 4A (Calabarzon) Director Samson Hebra, at saklaw ng kautusan ang lahat ng district engineer, pati na ang mga area equipment engineer sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
-Clemen Bautista