Kung matutuklasang mayroon ngang insertions o anumang anomaly, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi siya mangingiming i-veto ang buong 2019 national budget.

Sinabi ng Malacañang na maingat na hinihimay ni Pangulong Duterte ng General Appropriations Bill (GAB) for 2019 at gagamitin niya ang kanyang veto power kapag ang budget bill na isinumite sa kanya ay matutuklasang maanomalya.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo matapos magbanta si Duterte na ibi-veto ang buong budget, na nagkakahalaga ng P3.757 trilyon, kung ang ilang probisyon nito ay maituturing na labag sa batas.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Panelo na ang mga pahayag ni Duterte nitong Miyerkules, na nag-ugat sa mga seryosong akusasyon na ibinabato ng Kamara at Senado sa isa’t isa, ay isang pagtitiyak sa publiko na maingat ang Office of the President sa pagrerepaso sa GAB.
"It is poring over the details of the document and checking which items therein may be constitutionally infirm or legally unacceptable," aniya.
Samantala, tiniyak ng opisyal ng Palasyo na nakahanda ang economic managers ni Duterte sa anumang posibleng epekto ng pag-veto sa buong budget sa ekonomiya ng bansa.
"Our economic managers have contingency plans prepared, responsive to any conceivable event, and they will correspondingly adjust their targets," ani Panelo.
Nitong Huwebes ng gabi, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi siya magdadalawang-isip na i-veto ang buong 2019 national budget kapag mayroong problematic provisions ito.
“Pagka talagang tagilid 'yan, I will outright veto the entire budget," banta ni Duterte.
"Eh hindi magkasundo ang Congress pati ang Senado eh, pati yung mga insertions diyan titignan ko," aniya pa.
Sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto III na sakaling i-veto ng Pangulo ang 2019 GAB ay tuluyan nang matatanggal ang pork barrel at ibang pondong isiningit dito
“All discretionary funds or pork barrel of lawmakers would be erased under a reenacted budget as everything is left to the discretion of the executive department," ani Sotto.
Suportado rin ng Kamara ang anumang desisyon ng Pangulo.
“The President knows what is best for the country and our people,” sinabi ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr.
-Argyll Cyrus B. Geducos, Leonel M. Abasola at Ben R. Rosario