Inaresto ng isang konsehal sa Agusan del Norte matapos makumpiskahan umano ng ilegal na droga ang bahay nito sa bayan ng Buenavista, kaninang madaling araw.
Ang suspek ay kinilala ni Brig. Gen. Gilberto Cruz, regional director ng Northeastern Mindanao Police Regional Office 13 (PRO 13), na si Ronilo Bohol, 50, miyembro ng Sangguniang Bayan ng nasabing lugar, at taga-Purok 4, Barangay Matabao.
Dinampot si Bohol nang magsagawa ng surprise raid ang mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU), Buenavista Municipal Police Station (MPS), Provincial Intelligence Branch, Provincial Mobile Force Company at Agusan del Norte Police Provincial office, sa bahay nito, dakong 2:30 ng madaling araw.
Ayon sa arresting team, hawak nila ang isang search warrant na inilabas ni Judge Emmanuel Escatron sa nasabing bayan.
Sa pagtaya ng pulisya, nasa 22.4 gramo ng iligal na droga ang nakumpiska at tinatayang nagkakahalaga ng P264,320.00.
“The suspect might be charged with illegal possession of illegal drugs on violation of the Philippine Drug Law,” ayon pa kay Cruz.
Mike U. Crismundo