Pinagtibay ng Sandiganbayan ang 10 taong pagkakakulong na inihatolo sa limang dating opisyal ng National Housing Authority, kaugnay ng overpaid na construction project sa Bacolod City, noong 1992.
Ito ay matapos tanggihan ng 2nd Division ng anti-graft court ang motion for reconsideration ng limang akusado na humiling na ibasura ang naunang hatol nito sa kinakaharap nilang kasong graft.
Ikinatwiran nina dating Visayas Management Office Division Manager Josephine Angsico, Manager Virgilio Dacalos, Regional Project Director Felicisimo Lazarte Jr., Project Management Officer Josephine Espinosa, at Supervising Engineer Noel Lobrido, nabigo ang prosekusyon na patunayan ang kanilang pagkakasala sa nasabing kaso.
Hiniling din nila sa hukuman na maglabas ito ng panibagong desisyon na mag-aabsuwelto sa mga ito.
Sa rekord ng kaso, nagbayad ang mga akusado ng P1,280,964.20 sa Triad Construction and Development Corporation para sa final work accomplishment ng kanilang Pahanocoy Sites at Services Project sa naturang lungsod, noong Setyembre 1992.
Sinabi ng prosekusyon, nagkaroon ng overpaid sa proyekto dahil aabot lamang sana sa P330,075.76 ang actual work accomplishment nito.
"As earlier resolved, all the elements are present in the instant case. The prosecution's evidence has proved these allegations beyond reasonable doubt. The instant motions merely reiterated their defenses and these arguments have already been discussed in the assailed decision," ayon sa ruling ng korte.
Bukod sa pagkakapiit ng tig-10 taon, pinagbawalan na rin ang lima na humawak ng posisyon sa pamahalaan.
Czarina Nicole Ong Ki