NANG magsimulang tumaas ang presyo sa mga bilihin sa merkado noong nakaraang taon, isinisi ng mga kritiko ang pagpapatupad ng administrasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN), na nagpababa sa personal income tax rates, ngunit nagpatupad ng dalawang pisong taripa sa bawat litro ng diesel at iba pang uri ng langis na inaangkat, na dati namang wala. Pinataas ng bagong taripa ang presyo ng diesel, na nagbigay-daan naman sa paglaki ng gastos sa pagluluwas ng mga produkto patungong mga pamilihan at ang mismong presyo nito.
Gayunman, nanindigan ang pamahalaan na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado ay dulot ng pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis, paghina ng piso, at manipulasyon ng mga mapagsamantalang negosyante at mga manininda.
Pumalo sa mataas na 6.7 porsiyento noong Setyembre at Oktubre, 2018 ang inflation, bago ito unti-unting humupa sa 6% noong Nobyembre, 5.1 noong Disyembre. Patuloy pa itong bumaba sa 4.4 pagsapit ng Enero, 2019 patungong 3.8 noong Pebrero, at 3.3 nitong Marso.
Nanatiling matatag ang presyo mula nang bumaba ang inflation sa 3.3%. Ngunit sa balita nitong nakaraang linggo, sinasabing umabot na ang pandaigdigang presyo ng langis sa pinakamataas na antas mula noong Nobyembre 2018, sa $70.65 kada bariles sa pandaigdigang batayan ng Brent Futures. Hinatak pataas ang presyo ng anunsiyo ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) na nagpapatuloy ang mga ito apat na buwan nang pagbabawas ng supply.
Dagdag pa rito, ang parusang ipinapataw ng Amerika laban sa Iran at Venezuela, na nagiging dahilan upang mapilitan ang mga ito na bawasan ang kanilang produksiyon at pagluluwas ng langis. Nariyan din ang nagpapatuloy na digmaan sa Libya na nagpapaantala sa suplay ng langis mula doon at sa iba pang mga bansa sa Gitnang Silangan.
Umaasa tayo na hindi na natin muling mararanasan ang katulad na kaganapan noong nakaraang taon, ngunit dumadaan tayo ngayon sa pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis na katulad sa simula ng pagtaas noong Enero, 2018. Umaasa tayo, na handa ang ating mga opisyal na mapigilang maulit ang nangyaring pagsubok noong nakaraang taon. Dapat silang higit na handa upang labanan ang anumang hakbang sa manipulasyon ng presyo.