SADYANG nakababahala ang napaulat na pananapok ng isang kandidatong lokal sa Tarlac sa isang opisyal ng Comelec na umano’y bumaklas sa sobrang laking poster ng naturang kandidato.
Tiniyak naman ng Comelec na iimbestigahan ang nangyari at parurusahan ang abogadong kandidato na patatanggalan pa ng lisensiya kung nararapat. Dapat lang, para hindi lumala ang lumalagong pananaw na tila inutil ang Comelec laban sa mga abusadong pulitiko.
Nag-ugat ang naturang pananaw mula sa napapansing kahinaan ng Comelec sa pagpapatupad ng alituntunin nito kaugnay ng dapat laki ng “campaign posters” ng mga kandidato at itinatag nitong mga “common poster areas” kung saan lamang dapat itong inilalagay, sa kabila ng mandato nitong gamitin ang mga puwersa ng estado upang ipatupad ang mga alituntunin para matiyak ang kaayusan.
Sa ilang dahilan, laganap sa iba’t ibang bayan ang sobrang laking poster na pinagmulan ng kaguluhan sa Tarlac. Sinabi ng isang kaibigan kong Manilenyong mamamahayag, na dumalaw sa Cabanatuan kamakailan, na laganap din ang malalaking poster na nakakabit pa sa bakal na bakod ng lumang Kapitolyo doon na hindi naman “common poster area”.
Isa pang interesanteng napansin niya ang ang poster ni Cabanatuan City Mayor Jay Vergara, na kumakandidato sa pagka-Vice Mayor, kasama ang anak niyang si Myca, na kandidato naman sa pagka-Mayor. Tama ang laki nito ngunit nagkalat sa mga poste ng kuryente na pag-aaari nilang kumpanya sa elektrisidad, at lansangan ng mga barangay na labas naman sa common poster areas. Nagtatanong tuloy ang marami kung hindi ito labag sa alituntunin ng Comelec na nasa City Hall mismo ang lokal na tanggapan.
Uso rin sa mga lalawigan ang mga “motorcades” ng mga kandidato gaya sa Kamaynilaan, na nagpapalala sa trapiko at ingay. Nanawagan ang Comelec na huwag harangan ng motorcades ang makikipot na lansangan at irespeto ang katahimikang nais ng mga mamamayan.
Talamak na rin ngayon ang bilihan ng boto sa maraming lalawigan. Kalat ang usap-usapan sa mga rehiyon tungkol sa umano’y pagbibigay ng milyun-milyong salapi sa mga lokal na opisyal para matiyak na mangunguna sila sa eleksiyon doon. Nakakalungkot nga lang na tila normal na ngayon ang bilihan ng boto.
Laganap din ngayon ang katotohanang ang mga opisyal ng barangay na dapat ay walang kinikilingang partidong pulitikal ay mga taga-kampanya ng mga pulitiko. Bakit ba hindi ito mapatigil ng Comelec?
Itinuturing nating lider at huwaran ang ibinuboto nating mga opisyal. Kung sila’y abusado at walang respeto sa batas, anong uri tayo at saan papunta ang ating lipunan?
-Johnny Dayang