KAALIW talaga itong si Arjo Atayde. Kahit ilang beses siyang binalik-balikan ng tanong ng entertainment press at bloggers tungkol kay Maine Mendoza ay consistent na “no comment” lang ang sagot niya.
Hiningan si Arjo ng komento na magkahawig sila ni Alden Richards, na parehong mestisuhing may dimples, pero “no comment” pa rin ang sagot niya.
Pero nang tanungin siya tungkol sa pagkaka-link ng kapatid niyang si Ria Atayde kay JM de Guzman ay mahaba-haba na ang sagot niya.
Mahigpit daw siya sa manliligaw ng mga kapatid niyang babae.
“Ganoon naman talaga po ang kuya, protective siya sa lahat ng kapatid niya,” sambit ni Arjo.
Pero klinaro niya na hindi niya binabakuran si Ria, at pagdating sa love life ng aktres ay hindi siya ang tipong makikialam. Naniniwala siyang kayang i-handle ni Ria ang sarili.
Nakausap si Arjo sa thanksgiving lunch nila, kasama si Ria at ang nanay nilang si Sylvia Sanchez. Dumating din ang daddy nilang si Art Atayde, na pinapanood ang mag-iina niya sa isang kuwarto.
Samantala, nabanggit ni Arjo na baka magkakaroon ng Season 2 ang most viewed digital series niyang Bagman sa iWant, dahil positibo ang pagtanggap dito ng mga nakapanood.
“I’m very thankful sa pagtanggap ng mga tao sa Bagman. Relevant ang Bagman sa today’s news. Iyong significance niya, malaki (ang kaugnayan) sa nangyayari ngayon sa Pilipinas.
“It’s an eye-opener. Imagine mo, we could possibly produce something as good as Narcos (patok na Netflix series). Hopefully, magkaroon ito ng Season 2. People are asking na magkaroon ito ng another season, so I’m very blessed, I’m very thankful talaga,” sabi ni Arjo.
Inamin din ng aktor na mahirap ang naranasan niyang shooting sa Bagman.
“I enjoyed it pero sobrang ang hirap po niyang gawin! I cannot explain! As subtle as I can be on the screen, it’s so hard,” sambit ni Benjo (karakter niya sa Bagman).
Ang daming blessings ni Arjo, dahil katatapos lang niyang gawin ang Bagman, at tuluy-tuloy pa rin ang taping niya ng The General’s Daughter bilang si Elai, kaya pinasalamatan din niya ang Team TGD.
“The General’s Daughter, it’s my second family. I’m so happy sa teleseryeng iyon, sa mga tao. Sa mga artista, sa direktor, sa lahat. Everyone! Everyone! With the good relationship that we have, I think it’s gonna last for a long time,” pahayag ng aktor.
Sa The General’s Daughter, mismong ang presidente ng Autism Society Philippines na si Ms Grace Luna Adviento ang pumuri sa husay ng pagganap ni Arjo sa serye.
Ang papuri ni Ms Grace ay nabanggit niya sa TV/radio host/ talent manager/actor na si Ogie Diaz.
“Papa O sa lahat ng nag-portray ng autistic, si Arjo Atayde ang pinaka-realistic for me. Thank you at justifiable ang pag-portray niya ng role sa The General’s Daughter. Ang galing!” sabi raw ni Ms Grace kay Ogie.
Kuwento rin sa amin ng may kaanak na may autism: “Tama ang acting ni Arjo, ‘pag nagsasalita, hindi siya nakatingin sa kausap, may iba siyang tinitingnan. Wala silang masyadong body language, normal lang ang kilos, malalaman mo lang ‘pag nagsalita. At higit sa lahat, wala silang feelings, hindi sila malambing.”
Sabagay, nabanggit naman din ni Arjo sa mediacon ng Bagman na talagang nag-immersion siya para mapag-aralan ang lahat ng characteristics ng taong may autism bukod pa sa nanonood siya ng videos tungkol dito.
Halos lahat nga ng nakapanood ng TGD ay puring-puri ang aktor na extreme naman sa karakter niya sa Bagman, at sa pelikulang Stranded, na palabas ngayon sa mga sinehan kasama si Jessy Mendiola, mula sa Regal Entertainment.
Anyway, may bumanggit na magsasama raw sa isang pelikula sina Arjo at ang isa sa mga idolo niyang si Mr. Eddie Garcia, at mag-ama ang karakter nila, na hindi naman binanggit kung ano ang kuwento.
Nadulas din si Jessy na kasama si Arjo sa Darna (Star Cinema) movie, na hanggang ngayon ay wala pang napipisil para magbida, pagkatapos itong bitiwan ni Liza Soberano.
After Stranded ay may isa pang pelikulang gagawin ang aktor sa Regal Entertainment, at balita rin namin ay may offer din ang Viva Films sa kanya at gagawa rin siya ng indie films kasama ang nanay niyang si Sylvia.
Sa kabilang banda ay may isa pang dahilan kung bakit masaya ang pamilya Atayde, dahil sa unang pagkakataon ay magkakaroon ng local version sa Turkey ang teleseryeng Hanggang Saan, na pinagbidahan nina Sylvia at Arjo.
Naisara na ng ABS-CBN ang deal sa Limon Yapim, ang nangungunang content production company sa Turkey. A Mother’s Guilt ang titulo ng Hanggang Saan, na mapapanood sa Turkey, at sisimulan na ang shooting sa second quarter ng 2019
-REGGEE BONOAN