“ANG punto ko ay dapat bang aksayahin ng Senado ang kanyang oras at salapi para imbestigahan lang ‘yan?” wika ni Sen. Koko Pimentel, sa kanyang pagtutol sa mungkahing imbestigahan ng senado ang mga alegasyon sa viral video na tumanggap ng milyong piso ang anak at manugang ni Pangulong Duterte mula sa mga sindikato ng droga.
May mga dokumento pang ipinakita ang umano ay dating kasapi ng sindikato na tangan niya na nagpapatibay sa nasabing alegasyon. Sa panayam sa kanya sa radyo, kinuwestiyon ng Senador ang integridad ng video. Kahit sino, aniya, ay puwedeng maglabas at gumawa ng mga dokumento at imbentuhin ang salaysay. Ang naturang video ay nagpapakita ng isang taong naka-hood, na nagsasabi na siya ay dating miyembro ng sindikato. Tumanggap umano ng napakalaking halaga sina Presidential son Paolo Duterte at si Waldo Carpio, kapatid ni Atty. Manases Carpio, asawa ni Presidential daughter Sara Duterte, na nasa listahan ng mga tumanggap ng napakalaking halaga ng deposito sa bangko mula sa sindikato ng droga. Binanggit ng hood man, na nagpakilalang “Bikoy”, na si Paolo ay may dragon tattoo sa likod kung saan nakasulat ang alphanumeric code na nagpapakilala na siya ay nasa listahan ng drug syndicate.
Sa sambayanang Pilipino, lalo na iyong mga kamag-anak ng mga napatay at naging biktima ng karahasan sa pagpapairal ng war on drugs ng administrasyon, alam na ninyo ang inyong gagawin. Si Koko Pimentel ay kumakandidato sa pagkasenador. Totoo, bar topnotcher ito at matalino, pero ginagamit ba niya ang kanyang karunungan para sa kapakanan ng taumbayan? Ginagamit ba niya ito para mapangibabaw ang katotohanan at katarungan? Pagtatakip ang kanyang ginagawa sa pagtutol niyang imbestigahan ng Senado ang “Bikoy” video, na nag-viral sa social media. Kung para sa kapakanan ng mamamayan, bakit siya manghihinayang sa panahon at resources ng Senado na mailalaan sa pagtuklas ng katototohanan na napakahalaga sa sambayanan. Ang isyu rito ay hinggil sa ilegal na droga na ang pagsupil nito ay ginawang pangunahing programa ni Pangulong Duterte. Ang napakalaking problema ay marami nang napatay sa layuning ito, inosente man o sangkot sa droga, pero ang problemang ilegal na droga ay lalong lumalala. Dahil dito, ipinangako ng Pangulo ang higit na marahas at malupit na pamamaraan para malapatan ng lunas ang problemang ito. Kaya, patuloy ang walang patumanggang pagpatay. At asahan natin, na kasalukuyang nangyayari, ang mapapatay ay ang mga dukha na gumagamit at nagbebenta ng droga.
Lagi kong sinasabi na kapag nireremedyuhan ang epidemia ng Dengue, dahil lamok ang nagkakalat nito, ang ipinasisira ay ang pinagpupugaran o p’wedeng pagpugaran ng mga ito. O kahit anong problema, ang paglutas ay putulin ang pinagmumulan nito. Ito ang ayaw mangyari ni Sen. Koko Pimentel. Ang tinututulan niyang imbestigasyon ay p’wedeng matuklasan kung saan at sino ang pinakautak ng mga gumagawa, nagpapasok at nagkakalat ng ilegal na droga sa bansa. Kapag napatunayan, bahala na ang awtoridad kumilos, o buong puwersa ng mga pinagmalupitan at inapi katulong ang makatarungang masa. Ipagpalagay natin na tototo ang alegasyon ni Sen. Koko na fake news ang video, hindi ito kasing-halaga ng pagsisikap ng imbestigasyon na madiskubre ang pinakaugat ng poblema na sanhi ng maraming pagpatay at mapapatay pa.
-Ric Valmonte