NAKAIINTRIGA ang sunud-sunod na paglutang ng bloke-blokeng cocaine sa mga baybayin sa Mindanao nitong mga nakaraang araw, na dati-rati ay sa mga aplaya lang sa Luzon at sa mga isla sa Eastern Visayas ini-smuggle papasok sa ating bansa.
Parang gusto ko na tuloy paniwalaan ang ibinulong sa akin ng aking mga dabarkads, na pawang matinik na tiktik, na tila nagkaroon nang matinding “elimination of the competition” sa pagnenegosyo ng ilegal na droga at ang namayani sa labanan ay mga naka-base sa Mindanao.
Dahil sa lakas ng “connection”, walang takot ang namamayaning grupo sa pagpapasok dito sa bansa ng mga ilegal na droga – shabu para sa local market at cocaine para sa transshipment sa ibang bansa – kaya sa kabila ng ipinagmamalaking “giyera laban sa droga” ni Pangulong Duterte, hindi maubus-ubos ang pusher at adik sa lahat halos ng panig ng Pilipinas.
“Nakakuha ng linya sa bagong administrasyon ang isang grupo ng sindikado na naka-base rito sa Mindanao, kaya’t ginamit nila ito para walain sa mundo nila ang kalaban. Ayun panalo, kaya sila ngayon ang namamayagpag!” ang sabi ng isang tiktik, na para sa akin ay eksperto sa mga “tsismis” na nanggagaling sa Mindanao.
Sa totoo lang, kung ang pagbabasehan ay ang dami ng droga na “aksidenteng nakuha” ng mga mangingisda (hindi ng mga operatibang pulis, ha!) na palutang-lutang sa mga baybayin sa Luzon at Mindanao nitong mga nakaraang buwan, masasabing malakas ang loob at walang takot ang mga sindikatong ito na kahit paulit-ulit na “nalaglagan” ng mga epektos sa baybayin ay patuloy pa rin sa kanilang operasyon.
Sa datos ng Philippine National Police (PNP) at ng Dangerous Drug Board (DDB), aabot na sa 228 kilo, na may halagang mahigit P1.2 bilyon, ang cocaine na napasakamay na nila nito lamang nakalipas na dalawang buwan.
“These are the cocaine bricks that were recovered since February this year up to the latest in Surigao del Norte wherein 40 cocaine bricks were recovered anew,” ang sabi ni P/Col. Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP. “Most of those recovered cocaine bricks are from Mindanao, particularly in Surigao provinces and Dinagat Island,” dagdag niya.
Ang intriga naman na binitiwan ng kaibigan kong tiktik ay kaya raw hindi na hinabol ng sindikado ang mga “nalaglag sa dagat ” na epektos ay dahil maliit na bagay lamang ang mga ito kumpara sa mas malaking bilang ng naipasok na nila na mas dapat na pangalagaan!
Ang ganting tudyo naman ng pinakabata sa kanila ay ito: “Siguro hindi pa nila kabisado ‘yung tamang operasyon ng dating kakumpitensiya na inagawan nila ng negosyo, kaya’t nagkakamali pa rin sila at nalalaglagan ng epektos. Pasasaan ba’t matututuhan din nila ang tamang pagdidiskarga sa tabing dagat!”
Ang sabat naman ng pinakaantigo sa grupo: “At least ha, kaya nilang mag-operate sa mga baybayin sa Mindanao nang unmolested at nang walang takot, at ito ay sa kabila ng matinding kampanya laban sa sindikado ng droga sa buong bansa ng administrasyon!”
Ang pabulong na tanong ko naman sa aking sarili: “Ganyan pala ang mga impormasyon na nakakalap ninyo, eh bakit ‘di ninyo iparating kay Pangulong Digong ang mga ito sa pamamagitan ng tinatawag na ‘Daily Intelligence Briefing’ na dapat ay napapasakamay ng Pangulo ng bansa pagkagising pa lang nito sa umaga, upang maging gabay niya sa “decision making?”
Hindi ko alam kung napalakas ang bulong ko sa aking sarili, dahil ito ang sabay-sabay nilang pahimakas sa aming kuwentuhan: “Mabigat kasing tumanaw ng utang na loob si Sir, kaya bukod sa napapalusutan ay napapaikot pa ng mga nakapaligid sa kanya!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.