ANG 50.23 metrong taas na istatwa ni Saint Vincent Ferrer sa bayan ng Bayambang, Pangasinan ang idinekalarang bagong may hawak ng Guinness World Record para sa “tallest bamboo sculpture”.

“This is really amazing, a wonderful gift to the people of Bayambang. I would like to thank my wife Mary Clare Judith Phyllis. Fond of internet, she saw something that Burma was trying to build a statue made of bamboo around 30 meters high. She said why not build the statue of Saint Vincent Ferrer made of bamboo? And the rest is history, and we have the tallest statue made of (engineered) bamboo,” pahayag ni Mayor Cezar Quiambao sa isang panayam.

Pagbabahagi ni Quiambao ang orihinal nilang plano noong 2016 ay ang pagpapalipad ng 40,000 sky lanterns upang mahigitan ang world record ng Iloilo City na 18,000 lanterns.

Gayunman, ipinagbawal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nasabing aktibidad dahil sa masamang epekto nito sa kalikasan, kaya naman pinili nila ang pagtatayo ng dambuhalang istatwa.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Kawayan at bakal ang materyales na ginamit upang mabuo ang istatwa kung saan may bigat na 60 tonelada ang buong istruktura.

“The construction period took 10 months involving 608 strong men and one exceptional woman’; (there was) zero accident/casualty from the beginning to end of construction,” ani Quiambao.

Samantala, isinabay naman ang paglulunsad ng istatwa ng kanilang patron sa ika-405 anibersaryo ng bayan, at ika-400 anibersaryo ng Saint Vincent Parish Church, gayundin ang ika-600 annibersaryo ng kamatayan ni Saint Vincent Ferrer nitong Abril 5.

Nasaksihan din ng grupo ng Guinness World Records ang paglulunsad ng istruktura, na pinangunahan ni Adjudicator Swapnil Dangarikar. Habang si Aida Lapis, na isang independent forester at bamboo expert, ang sumaksi at nagbigay balidasyon sa kaganapan.

“This is a gift to our kababayan. Today is the symbol of total unity of all the people of Bayambang. This is our battlecry, to unite against poverty,” saad ni Quiambao.

Samantala, nitong nakaraang Biyernes, nasaksihan ng libo-libong mamamayan ang pormal nang idineklara ng Guinness World Records, na matagumpay na naitala ng Bayambang ang bagong record para sa tallest bamboo sculpture.

Una nang nakapagtala ang bayan ng Guinness World Record noong 2014 para sa pinakamahabang barbecue.

PNA